250 milyon, nagprotesta sa India kontra neoliberalismo
Inilunsad sa iba’t ibang estado ng India noong Nobyembre 26 ang pinakamalaking naitalang pambansang welga sa kasaysayan ng mundo. Sa kabila ng mga restriksyon ng lockdown, nagwelga ang mahigit 250 milyong mamamayan sa pangunguna ng 10 unyon sa paggawa at mga organisasyong magsasaka para batikusin ang mga neoliberal na repormang ipinatupad ni Prime Minister Narendra Modi kasapakat ang imperyalismong US sa gitna ng pandemya. Hinarang ng mga welgista ang mga riles ng tren at ang pangunahing ruta sa transportasyon ng mga estado ng bansa, at itinigil ang produksyon sa mga pagawaan. Itinaon ang protesta sa paggunita sa Araw ng Konstitusyon ng India.
Kabilang sa mga nagprotesta ang mahigit 12 milyong magsasaka mula sa mga estado sa hilagang bahagi ng India na nagmartsa tungong Delhi. Dala ng mga magsasaka ang mahigit sa 96,000 traktora na kanilang ginagamit sa pagsasaka. Kasama sa nagmartsa ang 10,000 kababaihan na mula pa lamang sa distrito ng Punjab.
Pangunahing mga panawagan ng mga welgista ang pagbabasura sa mga batas na nagtanggal sa pagtatakda ng pambansang presyo ng mga produktong agrikultural, at pribatisasyon ng mga empresang pagmamay-ari ng estado. Panawagan din nila ang pagpapatupad ng mga programa para itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa sa kanayunan at pagpapalawak ng ayuda para sa mga mamamayang apektado ng pandemyang Covid-19. Pinirmahan ng malawak na nagkakaisang prente ang pitong pinakabatayang kahilingan.
Kasalukuyang hinahambalos ng matinding resesyon ang India dulot ng pandemya. Ayon sa pinakahuling ulat, bumagsak ang gross domestic product (GDP) nito nang 24%, habang nasa 27% naman ang tantos sa disempleyo sa bansa.
Protesta sa Guatemala kontra neoliberalismo
Libu-libong mamamayan ang nagprotesta sa Guatemala City, Guatemala noong Nobyembre 21 kasunod ng pagpapasa ng Kongreso sa pambansang badyet. Para ipamalas ang kanilang galit sa malalaking kaltas sa badyet sa kalusugan at edukasyon, sinunog ng mga raliyista ang bahagi ng gusali ng Kongreso. Nagdala rin sila ng gilotina bilang simbolo ng kanilang pagtutol. Libu-libo rin ang nagprotesta sa iba pang mga sentrong syudad at bayan para ipanawagan ang pagbabasura sa badyet at pagbibitiw sa pwesto ng tiwaling mga upisyal ng gubyerno.
Binatikos nila ang pagpaprayoritisa ni Pres. Alejandro Giammattei sa paglalatag ng malalaking proyektong imprastruktura imbes na iuna ang mga panlipunan at pangkabuhayang serbisyo sa mga mamamayan sa gitna ng pandemyang Covid-19. Binayo rin nitong nagdaang mga buwan ang bansa ng dalawang malalakas na bagyo.
Protesta sa France laban sa pasismo
Mahigit 50,000 ang nagtipon sa iba’t ibang sentrong lunsod ng France noong Nobyembre 28 para tuligsain ang mga mapanupil na security bill na iniratsada ni Pres. Emmanuel Macron. Ipagbabawal sa naturang panukala ang paglitrato o pagbidyo sa mga pulis at paiigtingin nito ang mga mekanismo sa paniniktik ng estado sa mamamayan. Isang linggo bago nito, mahigit 500,000 ang nagprotesta matapos kumalat ang bidyo ng pambubugbog ng tatlong pulis sa Itim na musikerong si Michel Zecler sa Paris. Nagpapatuloy ang mga protesta hanggang sa kasalukuyan kahit pa nagpahayag na ang rehimeng Macron na babawiin nito ang naturang panukala.