Bagong panganak na aktibista, 4 na iba pa, inaresto at inakusahang kasapi ng BHB
Dinakip ang aktibistang si Amanda Lacaba Echanis at kanyang isang buwang sanggol sa tinutuluyang bahay sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan noong Disyembre 2. Si Echanis ay kasapi ng Amihan at nag-oorganisa ng mga kababaihang magsasaka.
Kasalukuyang nakadetine si Echanis sa Camp Adduro, Tuguegarao batay sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives. Anak siya ng pinaslang na konsultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Randall Echanis.
Ayon sa Karapatan, may mga binayaran ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para maging “saksi” laban kay Echanis. Sa parehong barangay, kasabay na hinalughog ang bahay ni Isabelo Adviento, tagapangulo ng Danggayan-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Inaresto din ng pulisya batay sa gawa-gawang kasong rebelyon ang organisador ng unyon sa transportasyon na si Jose Bernardino sa Sapang Maisac, Mexico, Pampanga noong Disyembre 4.
Kasabay nito, inaresto batay sa kasong illegal possession of firearms and explosives si Marilou Tan sa San Roque, Tinambac, Camarines Sur. Parehong madaling araw isinagawa ang mga operasyon.
Sa Albay, inaresto ang 72-taong gulang na magsasakang si Ronaldo Ogama sa kanyang bahay sa Barangay Batbat, Guinobatan noong Nobyembre 17. Inakusahan siyang kasapi ng BHB.
Sa Kitaotao, Bukidnon, inaresto at tinortyur ng 16th IB ang 17-anyos na magsasakang si Ruben Dano noong Nobyembre 19 sa Barangay Balangigay. Matapos nito, tinortyur ng 16th IB ang anim na minoryang magsasaka at matandang si Carlito Sordilla.
Sa Surigao del Norte, inaresto ng 29th IB si Datu Danilo Kalinawan sa Barangay Cawilan, Tubod noong Disyembre 2 ng madaling araw. Hindi pa siya natatagpuan ng pamilya hanggang ngayon.
Apat na babaeng residente ng Maysapang, Barangay Ususan, Taguig City ang inaresto matapos pigilan ang panghahalughog ng armadong mga maton ng R-II Builders sa lugar. Matagal nang may banta ang kumpanya na idemolis ang naturang komunidad.
Masaker sa South Cotabato. Dalawang Pulang mandirigma na wala sa katayuang lumaban ang pinatay ng 5th SFB at PNP sa Sityo Kibang, Barangay Ned, Lake Sebu, noong Disyembre 2, alas-4:30 ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Romeo Libron (Ka Melvin), 60, at Ka Sarge. Pinatay din ng mga pasista ang tatlong sibilyan na bumisita nang araw na iyon, kabilang ang asawa ni Ka Melvin.
Pagpaslang. Binaril at napatay ang purok lider na si Ignacio Moraca Arevalo ng lokal na pulis at 29th IB sa Barangay Mat-i, Surigao City noong Nobyembre 25. Si Arevalo ay lider ng Nagkahiusang Gagmayng Minero.
Pinatay din ng PNP-Sison si Josefino “Lalo” Calang, isang negosyante, bandang alas-12 ng gabi ng Nobyembre 26. Inakusahan siyang kasapi ng milisyang bayan ng BHB.
Pambobomba. Makailang-ulit na inistraping at tatlong beses na kinanyon ng AFP Northern Luzon Command ang Barangay Lawak Langka, Mangatarem, Pangasinan noong Nobyembre 24. Ilang araw na naparalisa ang kabuhayan ng mga residente dahil dito.
Naghulog din ng pitong bomba at nag-istraping ang 29th IB sa mga komunidad sa Santiago, Agusan del Norte noong Nobyembre 25.