Bagtasin ang landas ng malaking pagsulong
Sa buong taong 2020, halos walang patid ang dinanas ng sambayanang Pilipino sa sunud-sunod na hagupit at pagpapahirap bunga ng militarista at anti-mamamayang tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19 at sa sunud-sunod na kalamidad. Tinalikdan ng bulok na rehimen ang obligasyon nitong tugunan ang pangangailangang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mamamayan. Ipinataw nito ang mga hakbanging mapanupil at nagpalubha sa paghihirap at kagutuman.
Sa pangambang magkaroon ng malaking pagbangon ng bayan sa harap ng krisis tulad ng nagaganap sa ibang bansa, ginagamit ni Rodrigo Duterte ang panlilinlang at paninindak, sa isang panig; at dahas at armadong panunupil sa kabilang panig. Nitong nagdaang mga buwan, ibayong pinatindi ang pagsupil sa masmidya at kampanyang red-tagging at pagsisiwalat ng disimpormasyon, kasinungalingan at mga basurang pahayag.
Kasabay nito, ginamit ni Duterte ang pinakamatagal na “lockdown” at paghihigpit sa pagkilos ng mga tao, at sarbeylans, pagkukulong at sunud-sunod na mga pagpatay sa mga tukoy na pwersang rebolusyonaryo, lider masa at mga aktibista. Pinakamalala, isinagasa niya ang bagong batas sa terorismo na nagpapataw ng pasistang diktadura nang hindi nagdedeklara ng batas militar.
Pinakalayunin sa paggamit ng mga taktikang ito ng saywar at panunupil ang yanigin ang mga pambansa-demokratikong pwersa at mga organisasyong masa, at abalahin sila sa pagtatanggol sa kanilang karapatan, kaligtasan at buhay. Pakay nito ang pigilan silang makapagsalita para ilabas ang hinaing ng bayan, pilayin ang demokratikong kilusang masa at pigilang lumawak ang mga demonstrasyon sa lansangan.
Nilalabusaw ni Duterte ang isip ng taumbayan para ikalat ang kanilang atensyon sa samutsaring usapin upang ilayo ang kanilang kamalayan sa mga pangunahin at kagyat nilang problemang bunsod ng korapsyon, pagpapabaya sa masa at pagprayoridad sa interes ng iilan.
Nitong nagdaang mga buwan, napigilang sumiklab sa anyo ng malalawak na protesta ang malalim na galit ng taumbayan sa mga kasalanan, krimen at pagpapabaya ng rehimeng Duterte sa obligasyon nito sa taumbayan sa harap ng pandemya. Kabilang sa mga ito ang pagkakaltas ng badyet sa serbisyong pangkalusugan at tugon sa kalamidad, kawalan ng libre at mapagkakatiwalaang testing sa Covid-19, kulang na ayuda sa mga nawalan ng trabaho at kita sa kalunsuran at sa mga magsasaka sa kanayunan, mababang sahod sa mga nars at di pag-empleyo ng dagdag na nars sa mga pampublikong ospital, pagprayoridad ng pagbili ng helikopter, fighter jet, pribadong jet ni Duterte at kanyang mga heneral, bomba at iba pang kagamitang pandigma, pagpahintulot na bawasan ang sahod ng mga manggagawa, sa korapsyon sa pagbili ng mga personal protective equipment at kagamitang medikal, korapsyon sa PhilHealth, pagbibigay ng pamumuno sa pagharap sa pandemya sa mga heneral sa halip na sa mga duktor, sobra-sobrang pangungutang para sa negosyong imprastruktura ng iilang oligarko, planong pagpataw ng dagdag na buwis at kabi-kabila pang mga hakbangin pabigat at pahirap sa taumbayan.
Batay sa nilalaman ng anti-mamamayan at anti-mahirap na badyet sa 2021 na nakatakdang ipasa sa reaksyunaryong kongreso, lalala pa ang pasakit na dinaranas ng taumbayan. Magpapatuloy ang pagprayoridad sa militar at sa maruming gera laban sa bayan, sa negosyo ng mga oligarko, sa korapsyon at pagpabor sa mga alipures at mga tapat na pulitiko, sa paghahanda sa eleksyong 2022; habang patuloy na pinababayaan ang kabuhayan, pampublikong kalusugan at edukasyon.
Kailangang iluwal ng mamamayang Pilipino ang malawak at maigting na kilusang protesta sa mga darating na buwan laban sa mga patakarang pahirap at pabigat. Ang pagpuprotesta ang susi para pigilang maipatupad ang bagong mga buwis at iba pang mga patakaran at hakbanging lalong magsasadsad sa kabuhayan ng masa.
Dapat ibayong palakasin ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang gawain sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, manggagawang pangkalusugan, mga walang hanapbuhay, propesyunal at iba pang sektor na hinahagupit ng krisis sa ekonomya at kabuhayan.
Habang sinasalag ang pasistang pang-aatake ng rehimeng Duterte, dapat mahigpit na panghawakan ang maiinit na isyu ng taumbayan. Sikaping buuin ang pagkakaisa ng buong bayan sa isang malinaw at simpleng tangkas ng mga kagyat na kahilingan sa harap ng pandemya, kalamidad at krisis sa ekonomya. Ilantad ang anti-mamamayan at anti-mahirap na rehimeng US-Duterte at ang nagnanaknak na kabulukan ng naghaharing sistema.
Dapat puspusang magpropaganda gamit ang mga pormang direktang umaabot sa masa habang nagpapakahusay sa pagkontra sa disimpormasyon sa masmidya at social media. Dapat ilang ulit na palawakin at palakasin ang mga organisasyong masa upang bigyang lakas ang masa na ihayag ang kanilang mga hinaing at kahilingan.
Dapat pag-aralan, tasahin, lagumin at pangibabawan ang naging mga kalakasan at kahinaan sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa daan-daang libo o milyun-milyong mamamayan sa gitna ng pandemya at kalamidad at sa harap ng walang-habas na pasistang panunupil at brutalidad ng tiranikong rehimen.
Sa batayan ng pagtatasa sa mga gawain sa nagdaang taon at pagtaya sa kasalukuyang lakas, dapat ilatag ang mga tungkulin at planuhin ang susunod na mga hakbang sa papasok na taon. Dapat magsilbi ang mga ito sa pagkamit ng layuning pagbuklurin ang malawak na sambayanan at iluwal ang malawakang pagdaluyong ng protesta at mga pakikibaka para isulong ang interes ng masa.
Dapat patatagin ang pagkakaisa at determinasyon ng lahat ng pwersang pambansa-demokratiko na balikatin ang mahihirap na tungkulin sa kabila ng banta ng paniniil at mga paghihigpit sa tabing ng pandemya.
Sa loob ng ilang linggo, gugunitain ng Partido ang ika-52 anibersaryo nito. Kinasasabikan ng malawak na masa at ng kanilang mga rebolusyonaryong pwersa ang okasyong ito upang ipagdiwang ang mga nakamit sa nagdaang taon, tayain ang kanilang lakas, at ilatag ang mga tungkulin para maabot ang ibayo pang mga rebolusyonaryong tagumpay sa 2021.