Bangkay ng mandirigma, ginawang tropeyo
Nilapastangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bangkay ni Jevilyn Cullamat, mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napaslang sa isang engkwentro sa Marihatag, Surigao del Sur noong Nobyembre 28. Ipinakalat ng mga sundalo ng 3rd Special Forces Battalion ang isang larawan sa midya at social media kung saan nakabulagta ang kanyang bangkay na animo’y tropeyo ng nagpalitratong mga sundalo sa likod nito.
Si Cullamat ay bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat. “Mahal ko ang anak ko na nagmahal sa bayan. Ipinagmamalaki ko siya. Bayani siya ng mga Lumad at ng buong bayan,” anang kanyang ina.
Labag sa internasyunal na makataong batas ang paglapastangan sa bangkay at pambabastos sa pamilya ng napaslang. Ginagamit din ito para sa malisyosong red-tagging sa Bayan Muna at pagpupumilit ng NTF-ELCAC na itakwil nito ang komunismo at armadong pakikibaka. Tinanggihan ito ng Bayan Muna at sa halip ay ipinanawagan na resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian.
Hindi na bago ang ganitong gawain ng AFP. Noong Mayo 13, ibinalandra ng 23rd IB sa gitna ng mataong komunidad sa Gingoog City ang mga katawan ng 10 Pulang mandirigma na napaslang sa pambobomba nito. Pinapila ng mga sundalo ang mga residente at pinatingnan sa kanila ang lasug-lasog nang mga bangkay.
Sa Davao del Sur noong Abril 2018 pinaslang ng militar si Jhun Marck Acto, 15 anyos, at isa pang 16-anyos sa Barangay Manila de Bugabos, Butuan City noong Nobyembre 2019, kinuhanan ng litrato at pinalabas na mga kasapi ng BHB.
Punung-puno ng ganitong mga paglapastangan sa mga bangkay ng mga sibilyan at mandirigmang pinatay ng mga sundalo ang mga website at akawnt sa social media ng AFP.