Mga protesta
NTF-ELCAC, buwagin!
Nagprotesta ang 100 aktibista sa Quezon City noong December 4 para ipanawagan ang pagbubuwag ng NTF-ELCAC at pagbibigay ng pondo nito sa mamamayan. Hindi lamang ginagamit ang pondo nito para sa red-tagging, ginagawa rin itong palabigasan ng mga heneral at anti-komunistang propagandista ng rehimen. Sa halip, gamitin na lamang ang pondo para sa ayuda, pambili ng bakuna o di kaya’y subsidyo sa mga estudyanteng hirap na hirap sa online at blended learning.
CBA ng mga manggagawa ng Nexperia, tagumpay
Matagumpay na naigiit ng mga mangagawa ng Nexperia ang makabuluhang CBA laban sa kumpanya. Kabilang sa benepisyong kanilang napagtagumpayan ay ang pagbibigay ng kompensasyon o retroactive pay ng Nexperia para sa anim na buwan na walang operasyon dahil sa lockdown at dagdag na sahod kada taon simula 2021.
Susi sa kanilang tagumpay ang serye ng mga pagkilos ng mga manggagawa, kabilang na dito ang silent protest na isinagawa noong Nobyembre 24 para igiit ang kabuhayan at kalusugan sa gitna ng pandemya.
Misa ng pasasalamat at pagkakaisa, idinaos
Nagsagawa ng misa ng pasasalamat at pagkakaisa ang mga residente ng Barangay IVC, Marikina noong Disyembre 5 bilang pagkilala sa mga organisasyong tumulong sa kanila sa panahon ng kalamidad at upang ipahayag ang pagtutol sa mga proyektong kontra-kalikasan.
Bago nito, nagkaroon din ng pagkilos para sa agad na ayuda ang mga residenteng apektado ng bagyong Rolly sa Freedom Park, Marikina noong Nobyembre 21 at 25. Tinatayang aabot sa ₱30 bilyon ang mga nawasak na ari-arian at kabuhayan sa syudad pa lamang.