Pag-alpas ng Cuba sa pandemya
Una sa dalawang-seryeng artikulo kaugnay ng natatanging tugon ng estado at mamamayan ng Cuba sa pandemyang Covid-19. (Ikalawang bahagi: Pagtataas ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan)
Susi sa tagumpay ng Cuba sa pagharap ng pandemyang Covid-19 ang pambansang sistemang pangkalusugan nito na walang bayad, para sa lahat, abot ang 100% ng populasyon, nakabatay sa primaryang pag-aalaga sa kalusugan at pinatatakbo ng de kalidad na mga duktor at nars pangkomunidad. Isa ang Cuba sa mga bansang maagang nakaalpas sa pandemya.
Maagang nabuo at napalamnan ang pambansang plano ng Cuba laban sa Covid-19. Enero pa lamang, mayroon nang pambansang estratehiya ang bansa na nakadisenyo para sa lahat ng ahensya ng gubyerno at mga organisasyong panlipunan at pangkomunidad. Binuo nito ang Temporal National Group na pinamunuan ng presidente ng bansa na si Miguel Diaz-Canel Bermudez. Araw-araw nitong tinasa ang pambansang sitwasyon at naglabas ng malilinaw na direktiba. Sa mga teritoryo, binuhay ang mga konseho sa depensa para ipatupad ang plano ayon sa espesipikong katangian ng mga lokalidad. Itinayo ang Technical National Group, na pinamumunuan ng kalihim ng Ministry of Public Health, para sa araw-araw na implementasyon ng mga programa nito.
Pag-iwas sa pagkahawa ng bayrus at pangangalaga sa mga nahawa sa antas komunidad ang naging pangkalahatang tugon ng bansa. Nasa unahan nito ang programang family doctor (mga duktor na espesyalisado sa pagsubaybay ng kalusugan ng mga indibidwal mula pagkapanganak hanggang katandaan) na nakabase sa mga lokalidad. Tinitiyak sa antas na ito ang mga hakbang para makaiwas sa bayrus, mapangalagaan ang mga nahawa at maipatupad ang tuluy-tuloy na sarbeylans ng mga sakit. Ang lokalisadong sistemang ito ay mabilis na nakaaangkop sa mga sitwasyong mayroong biglaang pagtaas ng bilang ng mga nahawa. May kakayahan itong magbigay ng pangangalagang espesyalisado o antas-ospital kung kinakailangan dahil sa masaklaw na latag ng mga klinik at ospital at sa mataas na kasanayan ng mga duktor at nars.
Mayroong siyam na duktor para sa bawat isang libong residente sa Cuba. Isa ito sa pinakamataas na tantos ng bilang ng duktor sa bilang ng pasyente sa buong mundo (kasunod sa Qatar at Monaco). Mayroong 485,000 manggagawang pangkalusugan ang bansa sa pangkalahatan. (Ang Pilipinas, sa kabilang banda, ay may isang duktor lamang para sa 33,000 indibidwal).
Tiniyak ng Cuba na makokontrol ang pagkalat ng bayrus sa pamamagitan ng aktibong paghahanap ng mga nahawa, pagpunta sa bawat bahay ng 100% ng populasyon, at pagbibigay ng espesyal na atensyon sa mga bulnerableng grupo. Isinagawa ang masinsing pagsubaybay ng 10,000 klinik sa antas-komunidad, 449 klinik sa antas-munisipalidad, 150 ospital at 12 institusyon sa pananaliksik. Kinatuwang ng estado ang 28,000 estudyante ng mga unibersidad, laluna ang mga estudyante ng mga syensyang medikal, para sa pagbabahay-bahay. Sa pamamagitan nito, maagang natukoy ang mga lugar na may impeksyon, at naihiwalay ang posibleng nahawa na mga residente, kasama ang kanilang nakasalamuhang mga indibidwal.
Hindi nakaligtas ang Cuba sa pagpapatupad ng mga pangangailangang paghihigpit. Isa rito ang pansamantalang pagsasara ng bansa sa mga turista mula Abril 2 at pagmandato ng pagsusuot ng facemask at social distancing. Agosto na nang muling buksan ng Cuba ang mga paliparan at daungan nito.
Pinalawak ng Cuba ang kakayahan nito sa testing sa tantos na isa sa bawat limang Cuban. Libreng kinanlong ng estado ang 115,000 indibidwal na pinagsususpetsahan pa lamang na nahawa at kanilang mga nakasalamuha sa mga itinayong isolation facility. Limang porsyento lamang sa mga ito ang tuluyang nahawa ng bayrus. Napakalaki ng ginastos mula sa pambansang pondo pero hindi ito ininda ng estado. Ayon pa sa presidente ng bansa, isang “hindi matatawarang prinsipyo” ng estado ang pagturing sa bawat buhay ng mamamayan nito bilang “pangunahing yaman” ng bansa.
Pinalakas ng Cuba ang mga ospital. Pinasok dito ang lahat ng mga nagpositibo at tiniyak ang iba pang kailangang gamit tulad ng mga ventilator. Naglaan ang bansa ng 20 ospital, 5,000 kama at 447 kama para sa intensive care sa mga nahawa ng bayrus.
Binuo ang grupo ng mga eksperto at syentista para magsagawa ng syentipikong pag-aaral sa mga prosesong klinikal at magpaunlad ng mga protokol at pananaliksik ng mga produkto at gamot. Abante ang industriya sa parmasyutika at biotechnology ng bansa at may kakayahan ito sa pananaliksik at pagmamanupaktura. Ang lahat ng kanilang pananaliksik, testing at imbestigasyon ay bukas nilang ibinabahagi sa mundo at mababasa ng ninuman sa mga publikasyong medikal. Kabaligtaran nito ang pag-uunahan, paglilihiman at pagnanakawan ng impormasyon ng mga imperyalistang bansa at monopolyong kumpanya sa parmasyutika.
Noong Oktubre, tuluyan nang ibinukas ang mga paliparan at kalakhan ng mga lugar sa Cuba sa mga turista at sinumang gustong bumisita. (Una na itong binuksan noong Agosto pero pansamantalang isinara ang mayor na paliparan, kasabay ang Havana na kabisera ng bansa, nang tumaas ang bilang ng impeksyon sa pangalawang pagkakataon.) Noon pang Setyembre 1 nagbukas ang mga paaralan sa lahat ng antas para ipagpatuloy ang natigil na pag-aaral ng mga estudyante. Liban sa Havana, matagal nang bumalik sa ordinaryong pamumuhay ang mamamayan.
Noong Disyembre 2, nakalista bilang ika-126 sa 185 bansang pinakaapektado ng pandemya ang Cuba. Mahigit 8,000 ang naitala nitong nahawa sa bayrus, kung saan 7,600 na ang gumaling at 136 ang namatay. Halos 600 ang aktibong kaso, pero apat lamang ang kritikal. Mahigit isang milyong test ang isinagawa nito sa populasyon.