Walang matinong plano para sa pagbabakuna

,

Bukambibig ni Rodrigo Duterte ang paghihintay sa bakuna bilang estratehiya para makahulagpos sa pandemyang Covid-19. Panay ang hambog nito ng planong babakunahan ang 75% hanggang 80% populasyon sa Pilipinas. Gayunpaman, wala itong matinong plano ng pagbili, pag-iimbak at distribusyon para rito. Wala pa rin daw pondo ang gubyerno at inaasa nito sa pribadong sektor ang pagbili ng kinakailangang dosis.

Simula Nobyembre, sunud-sunod ang anunsyo ng “czar” sa bakuna na si Gen. Carlito Galvez sa planong pagbili ng Pilipinas ng mga bakuna mula sa malalaking kumpanya ng parmasyutika. Panay ang pangako niyang makararating na sa Pilipinas ang bakuna sa una o di kaya’y pangalawang kwarto ng 2021.

Hungkag ang mga pangakong ito dahil una, hindi pa tapos ang testing ng kalakhan ng mga bakuna, at pangalawa, limitado ang bilang ng bakunang inilaan ng malalaking kumpanya sa maliliit na bansang tulad ng Pilipinas. Ang pinirmahan pa lamang ni Duterte sa ngayon ay pagpahintulot sa paggamit ng naturang mga bakuna sa mga sitwasyong gipit (emergency-use) simula Enero 2021.

Kabilang sa mga ipinagmamalaki ng rehimen ang balak nitong bumili ng 50 milyong dosis ng bakuna mula sa Sinovac (China) at 2.6 milyong dosis mula sa AstraZeneca (UK). Humihingi pa lamang ng permiso ang dalawang kumpanya na magsagawa ng testing sa bansa.

Walang matinong plano para sa pagbabakuna