Mga aksyong militar ng BHB sa Samar, matagumpay
Nilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla ng Samar ang sunud-sunod na aksyong militar laban sa mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Oktubre.
Hindi bababa sa limang tropa ang natamong kaswalti ng berdugong 19th IB matapos ang tatlong operasyong haras at makasagupa ng BHB sa Northern at Western Samar.
Dalawang sundalo ang patay at isa ang naiwang sugatan nang iharas ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command o BHB-RUC) ang mga tropa ng 19th IB sa Brgy. Deit de Turag, Silvino Lobos noong Oktubre 18. Pagkalipas ng dalawang araw, muli itong hinaras ng BHB-RUC nang mag-operasyon sa isang kalapit na baryo sa parehong bayan.
Hinaras naman ng BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command o BHB-AOC) ang 19th IB nang mag-operasyon sa Brgy. Montalban, Matuguinao noong Oktubre 24. Nagkaengkwentro pa ang BHB-AOC at 19th IB sa Brgy. Nagpapacao sa parehong bayan noong Oktubre 28, kung saan dalawang sundalo ang sugatan at isang Pulang mandirigma ang bahagyang nasugatan.
Samantala, sa bayan ng Pambujan, Northern Samar, hinaras ng BHB-RUC ang detatsment ng CAFGU sa Brgy. Binungtuan noong Oktubre 13 bandang alas-6 ng gabi. Matapos ang dalawang oras, hinaras din ng BHB-RUC ang isa pang detatsment ng CAFGU sa kalapit na Brgy. Tula. Hawak ng 43rd IB ang mga CAFGU na ito.
Pinarusahan din ng special operations group ng BHB-RUC ang aktibong ahente militar at kasapi ng CAFGU na tinatawag na “Alex” sa Brgy. Taylor, Las Navas noong Agosto 24. Sa imbestigasyon ng BHB-RUC, aktibong lumalahok at nagsisilbing gabay si “Alex” sa mga nag-ooperasyong tropa ng militar sa nasabing lugar. Pinipilit din niyang sumurender ang kanyang mga kabaryo at inuulat sa kaaway ang mga pinaghihinalaan niyang kasapi ng rebolusyunaryong kilusan sa kanilang lugar.#