Ang babae sa digmang bayan

,

Maraming kabataang kababaihan ang di alintana ang mga sakripisyo at hamon bilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Buong-tatag nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, bilang pantay na mga katuwang ng kalalakihang mandirigma. Kabilang sa kanila sina Paolin, Mimi at Jellyn, mga kabataang kababaihan na nagmula sa iba’t ibang saray ng lipunan, na nakahanap ng pagtanggap at pagkakapantay-pantay sa loob ng hukbong bayan.

Ka Paolin, rebolusyonaryong ina

Myembro ng komite sa propaganda at edukasyon ng isang prubinsya si Ka Paolin. Nagsisilbi siyang guro ng mga kasamang di makabasa’t makasulat. Nagtuturo siya ng mga pangkulturang pagtatanghal, mga kursong masa, at kurso ng Partido.

Parehong namumunong kadre ng Partido at BHB ang kanyang mga magulang. Nagpasya siyang sundan ang kanilang mga yapak sa hukbong bayan nang mag-18 na siya. Dito niya nakilala ang kanyang naging asawa.

Pansamantala siyang lumiban para sa ligtas na panganganak sa kasagsagan ng batas militar sa Mindanao. Matindi ang naging stress niya, dahil alam niyang hindi igagalang ng mga sundalo ang kanyang mga karapatan kahit siya ay bagong ina. Tatlong buwan pa lamang ang kanyang anak nang iwan niya ito sa pinagkakatiwalaang kamag-anak.

Malaking sakripisyo kay Ka Paolin ang pag-iwan sa anak. Tanging mga larawan ng kanyang anak ang baon niya sa kanyang pagbalik sa yunit. Sinalubong siya ng mahigpit na yakap ng kanyang ina. “Ngayon alam mo na kung bakit ko kayo ibinilin sa Lola,” biro ng kanyang ina habang lumuluha.

Ka Mimi, mala-manggagawa

Medik ng isang platun si Ka Mimi. Tungkulin niyang tiyakin ang kalusugan ng mga kasama at kalinisan ng kampo. Ngayong may pandemya, aktibo siya sa mga inilulunsad na medical mission sa saklaw nilang komunidad at kampanyang edukasyon hinggil sa Covid-19. Bilang mandirigma, ikinagagalak niya ang tiwala sa kanya ng mga residente ng mga baryong kanilang pinagsisilbihan.

Galing sa isang syudad si Ka Mimi. Sa edad na 18, namasukan siya bilang manggagawang kontraktwal sa mga pagawaan ng palm oil. Sa isa sa mga ito, sinahuran lamang siya ng ₱180 para sa 12 oras na pagtatrabaho. Mas mababa ito nang ₱100 kumpara sa sinasahod ng kalalakihan. Tulad sa iba, bawal siyang umupo sa loob ng pagawaan at mayroon lamang siyang 30-minutong pahinga at limitadong paggamit sa banyo. Wala siyang natanggap na benepisyong pangkalusugan.

Dahil sa barat ang sinasahod mula sa kumpanyang pinapasukan, natulak siyang pumasok sa mga anti-sosyal na aktibidad para buhayin ang kanyang anak. Malala, pinagmalupitan siya ng kanyang asawa na minsan ay kumuryente sa kanya.

Unang nakilala ni Mimi ang mga kasama nang umuwi siya ng prubinsya. Dito niya nakausap ang mga kasama. Dumalo siya sa mga pag-aaral na inilunsad sa loob ng kampo at nanatili nang isang linggo hanggang nakapagpasyang magpultaym.

Ka Jellyn, Lumad

Upisyal sa suplay sa kumpanya at instruktor pampulitika sa platun si Ka Jellyn, isang Manobo. Hindi siya nanibago sa buhay-hukbo dahil sanay siya sa gawain sa kabundukan. Bata pa lamang, tumutulong na siya sa kanyang mga magulang sa gawaing bahay at sa pag-aani ng kamote sa bukid.

Sumapi siya sa BHB noong Nobyembre 2014, sa edad na 18. Noong 2018, nakasama siya sa paglulunsad ng ambus sa isang yunit ng 66th IB kung saan 17 sundalo ang napatay. Isang kasama naman ang nasawi sa naturang engkwentro. Ngunit hindi natakot si Ka Jellyn, bagkus, lalupang tumibay ang kanyang rebolusyonaryong diwa. Mulat siyang bahagi ito ng pakikidigma, kung saan madalas na buhay-at-kamatayan ang sitwasyon. Gayunpaman, hanggang maaari, alam niyang kailangan laging mag-ingat at sumunod sa mga regulasyon para mapahaba pa ang pagsisilbi sa rebolusyon.

Tulad nina Ka Paolin at Ka Mimi, lalong tumitibay ang komitment ni Ka Jellyn sa rebolusyon sa tuwing nakakasalamuha niya ang masa at nararamdaman niya na buo ang tiwala nila sa kanya. Malaki ang pag-aalala sa kanila ng masa, laluna ng kapwa kababaihan, at madalas silang tanungin kung mahirap ba, kung hindi sila natatakot, kung paano maging babae sa loob ng hukbong bayan. Alam nila na sa kanilang pagiging mandirigma, unti-unti nilang binabaka at winawaksi ang mababang pananaw sa kanilang mga kabaro. Pinatunayan nilang may kakayahan sila sa lahat ng larangan ng gawain, maging sa gawaing militar.

Ang babae sa digmang bayan