Hustisya para kay Ka Alvin Luque!

,

Hustisya ang panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pagpaslang ng mga berdugo ng 4th ID kay Alvin Luque (Ka Joaquin Jacinto) at ng kasama niyang sibilyan noong hatinggabi ng Disyembre 10 sa Barangay San Agustin Sur, Tandag City, Surigao del Sur. Si Ka Joaquin ay dating tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF)-Mindanao. Taliwas sa pahayag ng militar, imposibleng makapanlaban siya dahil paralisado at nagpapagaling nang maganap ang krimen.

Si Ka Joaquin ay nagmula sa Davao City. Naging tagapangulo siya ng konseho sa Ateneo de Davao University noong siya’y estudyante pa. Mula dekada 1990 hanggang dekada 2000, naging tanyag siyang lider ng Bayan-Southern Mindanao. May panahong tumakbo siya sa pagkakonsehal ng Davao City. Nagsimula siyang pag-initan nang pangunahan niya ang mga rali laban sa rehimeng Arroyo. Paulit-ulit siyang ni-red-tag, dinahas at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal. Lumipat siya sa Cagayan de Oro City, pero patuloy pa rin siyang ginipit. Para takasan ang pulitikal na panggigipit, nagpakanlong siya sa isang sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan noong 2007 hanggang magpasyang magpultaym sa hukbo.

Noong 2009, itinalaga siya para makatuwang ni Ka Oris na palakasin ang NDF-Mindanao.

Hustisya para kay Ka Alvin Luque!