Iniluwal ng pandemya ang protesta ng milyun-milyong mamamayan
Walang kapantay na pagbulusok ng pandaigdigang ekonomya at krisis sa kalusugan ang humugis sa taong 2020. Milyun-milyon ang nagkasakit at namatay, at mas marami pa ang nawalan ng trabaho at kita. Lalong sumidhi ang kahirapan at gutom sa maraming bahagi ng mundo. Sa halip na ayuda at suporta, at pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, mas madalas na panggigipit at pasismo ang tugon ng maraming mga gubyerno sa hinaing ng kani-kanilang mamamayan. Ang mga kundisyong ito, na pumatong sa dati nang masidhing krisis ng sistemang kapitalista, ang matabang lupa kung saan umusbong at lumaganap ang mga protestang nilahukan ng pinakamaraming mamamayan sa nakaraang limang dekada.
Isa rito ang protesta ng 250 milyong magsasaka at manggagawa sa India laban sa neoliberal na mga patakaran sa agrikultura ng pasista at maka-imperyalistang rehimeng Modi. Milyun-milyon ang nagmartsa tungo sa pambansang kabisera at sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lampas sa libu-libong mga harang at pulis, para pwersahin ang estado na iatras ang anti-mamamayang mga panukala at bigyan sila ng subsidyo. Umani ng malawak na suporta ang kilusan mula sa mga panggitnang pwersa, midya at iba pang institusyon. Ang India sa kasalukuyan ang ikalawa sa may pinakamaraming mamamayang nahawa ng Covid-19.
Sa US, humugis ang makapangyarihang kilusang Black Lives Matter sa gitna ng pinakamatinding krisis pangkalusugan ng bansa. Pumutok ang malawakang mga protesta noong Mayo, lumaganap at tinatayang rumurok noong Hunyo kung saan umabot sa mahigit 26 milyon ang nagsabing lumahok sila sa mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Noong Oktubre, mahigit 7,000 pagkilos na ang inilunsad ng kilusang ito. Higit itong lumakas dulot ng tumitinding diskuntento ng mamamayan laban sa palpak na tugon ni Donald Trump sa pandemya, at kanyang mga pasista at rasistang hakbang. Naging malakas ang boses ng kilusan na nanawagan para huwag iboto si Donald Trump sa eleksyon noong Nobyembre. Ang US ang may pinakamaraming nahawa at napatay ng Covid-19.
Sa Indonesia, daanlibong manggagawa ang naglunsad ng 3-araw na pambansang welga sa 60 lokasyon laban sa panukalang magtanggal sa mga benepisyo ng mga manggagawa at nagbibigay-daan sa kontraktwalisasyon sa paggawa.
Sa Thailand at Hongkong, daanlibo rin ang nagprotesta laban sa sistemang pulitika at mapaniil na mga patakaran ng kani-kanilang bansa. Umaabot sa 100,000 katao ang dumalo sa rurok ng mga protesta na nananawagan para alisin ang absolutong kapangyarihan ng monarkiya sa Thailand. Sa Hongkong, nagtuluy-tuloy ang mga protesta laban sa batas sa ekstradisyon na itinutulak ng China. Pinangunahan at nilahukan pangunahin ng kabataan ang dalawang kilusan.
Sa Israel at Lebanon, puu-puong libo ang nagrali laban sa bigong tugon ng kanilang mga gubyerno sa pandemya, pagbagsak ng ekonomya dulot ng mga lockdown at korapsyon ng kanilang matataas na upisyal. Dagdag na ayuda ang panawagan sa naglalakihang protesta sa Spain at Turkey. Sa France, Italy, UK at Belgium, kung saan pinakamatindi ang unang serye ng mga impeksyon, tuluy-tuloy ang protesta ng mga manggagawang pangkalusugan para sa sapat na sahod at proteksyon.
Nitong Disyembre, 50,000 ang nagtipon-tipon sa France laban sa brutalidad ng pulis at rasismo. Sa Nigeria, tagumpay ang kabataan sa panawagang buwagin ang SARS (kahalintulad na yunit ng SWAT sa Pilipinas) na notoryus sa brutal na mga paglabag sa karapatang-tao.
Serye ng mga pagkilos mula pa Marso ang isinagawa ng mga maralita sa Brazil, Mexico, Colombia, Guatemala at Chile para sa ayuda, badyet para sa mga serbisyo sosyal at dagdag suporta sa mga manggagawang pangkalusugan. Pinakamalaki rito ang sa Chile kung saan mahigit 120,000 raliyista ang nagmartsa para sa karapatan ng kababaihan at pagkundena sa pagsirit ng presyo ng pagkain at tubig. Sa Colombia, pambansang welga ang sagot ng mga manggagawa laban sa mga paglabag sa karapatang-tao sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga nahawa ng bayrus sa bansa.