Mga protestang bayan sa kabila ng lockdown
Sinamantala ng rehimeng Duterte ang pandemyang Covid-19 para supilin ang karapatan ng mamamayan na magpahayag, mag-organisa at magprotesta. Napigilan ng militaristang lockdown na brutal na ipinatupad ng mga pulis at sundalo ang pagsambulat ng mga pagkilos na gumigiit sa ayuda, kabuhayan at karapatan. Sa kabila nito, nakapaglunsad ng ilang malalaki at maraming maliliit na kilos protesta ang mga demokratikong sektor ngayong taon.
Sa inisyal na nakalap na datos ng Ang Bayan, mayroong mahigit 400 na pagkilos sa taong 2020. Labindalawa nito ay mga mayor na pagkilos sa Metro Manila. Sunod sa Metro Manila, pinakamarami ang nailunsad sa Southern Tagalog at Cebu. Liban sa rali, isinagawa rin ang mga barikada, protestang pangkultura, bungkalan, piket, karaban at mga kampuhan.
Maliliit at malalaking pagkilos
Pinakamarami ang dumalo sa pagkilos noong Nobyembre 30 sa Araw ni Bonifacio. Dinaluhan ito ng 5,000 katao. Panawagan sa pagkilos ang pagbabasura sa Anti-Terror Law ng rehimen. Pinakamaraming pagkilos ang inilunsad sa buong bansa laban sa batas na ito. Ikinasa laban rito ang maliliit pero marami, biglaan at maiiksi na pagkilos sa mga sentrong syudad at bayan sa Luzon, Visayas at Mindanao. Karamihan ay nilahukan ng mga grupong kabataan.
Liban dito, may mga pagkilos laban sa liberalisasyon ng importasyon ng bigas, ABS-CBN shutdown, red-tagging, panggigipit at pamamaslang, demolisyon at reklamasyon ng lupa. Mayroon ding mga rali na nanawagan ng proteksyon para sa mga manggagawang pangkalusugan, mass testing, kagyat at sapat na ayuda, ligtas na balik-eskwela, academic ease, balik-pasada at dagdag-sahod, hazard pay at badyet para sa mga serbisyong sosyal. Mayroong mga pagkilos para kundenahin ang pagpaslang sa mga aktibista tulad nina Randall Echanis at Zara Alvarez at panggigipit sa inang si Reina Nasino at kanyang sanggol na si River.
Sa unang bahagi ng lockdown, naikutan ng mga organisasyon ang mga restriksyon at pinamunuan ang protesta mula sa mga bahay at komunidad. Nilahukan ito ng 10-20 magkakapitbahay. Isinagawa nila ang mga noise barrage at sabayang pagpanawagan sa kanilang mga social media account.
Kasabay nito ang mga protesta at raling online o sa internet. Mayor dito ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa kung saan nagkita-kita online ang mga kalahok para makinig sa mga talumpati at panawagan. Sinabayan ito ng isang mabilisang piket sa loob ng University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City.
Protesta sa lansangan
Unang sumambulat ang protesta sa lansangan sa Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City na itinulak ng kawalan ng ayuda sa maralitang lunsod noong Abril 1. Mabilis at marahas itong sinupil ng mga pulis.
Muling natulak na magprotesta sa lansangan ang mga aktibista nang iratsada ng rehimen ang Anti-Terror Law sa Kongreso. Mabilisang nagtipon sa UP-Diliman noong Hunyo 4 ang mahigit 1,000 katao para kundenahin ang pagratsada sa batas. Muli silang nagtipon dito noong Hunyo 12. Sa sumunod na mga buwan, naging sentro ang unibersidad at upisina ng Commission on Human Rights sa loob ng kampus sa ilan pang mayor na pagkilos, kabilang ang protesta sa SONA. Ipinatupad sa mga protesta ang social distancing at pagsusuot ng face mask.
Pinakamaraming pagkilos ang sektor ng transportasyon. Higit sampung beses na nagpiket ang mga drayber at opereytor ng dyip para igiit ang balik-pasada.
Lumahok ang mga progresibong indibidwal at organisasyon sa higit limang beses na pagtitipon ng mga manggagawa ng ABS-CBN sa tarangkahan ng istasyon sa Quezon City.
Unang muling nagtipon sa Mendiola sa Maynila ang mga grupong LGBT noong Hunyo 26. Sumunod na protesta dito ang martsa ng maralita, araw ng paglaban ng mga magsasaka at pandaigdigang araw sa karapatang-tao.
Lahat ng mayor na mga pagkilos ay may kasabay na mga protesta sa mga syudad ng Baguio, Cebu, Bacolod, Iloilo, Roxas, Davao at iba pa. Nilahukan ang mga ito ng tinatayang nasa 150-300 mga raliyista.
Sa kabuuan, mahigit 300 aktibista at mga boluntir ang inaresto at pansamantalang idinetine habang papunta o nasa rali dulot sa diumano’y mga paglabag sa mga tuntunin sa lockdown.