Nanghahalihaw na mga sundalo, inambus

,

Inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte ang nag-ooperasyong mga sundalo mula sa 902nd Brigade noong Disyembre 12 sa Sityo Manlapat, Baay, Labo, Camarines Norte. Hinalihaw nila ang lugar kahit katatapos pa lamang ng bagyo. Nasamsam sa ambus ang dalawang 9mm kalibreng pistolang Glock at walong bakpak. Dalawang sundalo ang nasugatan.

Surigao del Sur. Pinaputukan ng BHB ang kampo ng CAFGU sa Km. 8, Barangay Puyat, Carmen noong Disyembre 4. Pwersahang pinasurender ng mga sundalo ang mga residente at nirekrut bilang CAFGU ang kalalakihan. Isang elemento ang napatay.

Samar. Inambus ng BHB ang sasakyang pampatrulya ng pulis sa Barangay Logero, Marabut, Western Samar noong Disyembre 10. Napatay si P/Capt. Earl Hembro. Noong Oktubre, tatlong sundalo ang napatay at isa ang nasugatan sa limang operasyong haras ng BHB sa Samar. Tinarget ng mga opensiba ang 19th IB at 43rd IB na nanliligalig sa mga barangay sa hilaga at kanlurang bahagi ng isla. Inilunsad ang mga pag-atake mula Oktubre 13-24 sa mga bayan ng Pambujan at Silvino Lobos sa Northern Samar, at sa Matuguinao, Samar. Nakasagupa rin ng mga kasama ang 19th IB noong Oktubre 28 sa Barangay Nagpapacao, Matuguinao kung saan dalawang sundalo ang nasugatan.

Capiz. Dalawang sundalo ng 12th IB ang sugatan matapos silang paputukan ng BHB sa Sityo Buga, Siya, Tapaz noong ikatlong linggo ng Nobyembre. Inirereklamo ng mga residente ng Tapaz ang pag-okupa ng 12th IB sa kanilang mga barangay na nagresulta sa pag-hamlet, sapilitang pagpasurender, pagbabanta, at panggigipit sa mga upisyal ng barangay na ideklarang persona non grata ang Partido at BHB.

Iloilo. Isang paramilitar ang namatay sa magkasunod na operasyong haras ng BHB-Iloilo sa kampo ng CAFGU sa Barangay Pudpud, Miag-ao noong Nobyembre 3 at 4.

Nanghahalihaw na mga sundalo, inambus