Pagtataas ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan

,

Pangalawa sa dalawang-artikulong serye kaugnay sa natatanging tugon ng estado at mamamayan ng Cuba sa pandemyang Covid-19. (Unang bahagi: Pag-alpas ng Cuba sa pandemya)

Isa sa mga aral na nahalaw ng Cuba sa pag-apula ng pandemyang Covid-19 ang pangangailangan na itaas ang kakayahan ng sistemang pangkalusugan para saluhin ang mga pasyenteng nasa seryoso at kritikal na kalagayan. Tinatawag itong intensive care, isang espesyalisadong tungkulin kung nasaan nakasalalay ang buhay ng mga pasyente sa istriktong mga prosesong medikal at pag-aruga.

Sa gitna ng pandemya, pinalakas ng Cuba ang mga intensive care unit (ICU) sa iba’t ibang ospital at pasilidad. Ipinaarangkada nito ang pagpapaunlad ng bagong mga teknolohiya sa medisina at pagsasanay ng mga personel. Pinahahalagahan nito ang papel ng mga nars, na kinikilala bilang mapagpasya sa paggaling ng mga pasyente. Alinsunod sa plano ng estado, ipinatutupad ang pagpaparami ng kama sa mga ICU at pagkumpleto sa mga serbisyo nito mula 2021 hanggang 2026.

Naghanda ang Cuba sa pinakamasama at pinakamahirap na senaryo noong unang pumalo ang pandemya. Ayon sa isang artikulo ng Granma, upisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Cuba, sinunod ng mga duktor ng Cuba ang nailatag na mga protokol na nakabatay sa karanasan ng mundo, habang tuluy-tuloy na pinaunlad ang mga ito mula sa mga aral ng sariling praktika. Inilapat nila sa partikular na katangian ng kanilang lipunan at sistemang pangkalusugan, gayundin sa indibidwal na mga sakit ang kanilang tugon sa bawat kaso ng nagkakasakit. Ang tinipong mga karanasang ito ang nagbigay sa kanila ng tatag at kumpyansa sa pagpapatupad ng mga protokol at pag-eksperimento sa paggamit ng mga gamot.

Hindi kailanman lumampas sa kakayahan ng sistemang pangkalusugan ng Cuba ang pandemya, at ni minsan ay hindi napuno ang mga ospital nito. Naiwasan ng Cuba ang pagkakasakit ng mga manggagawa sa kalusugan sa mga tinaguriang “red zone” o mga lugar kung saan mas mataas sa 10% ang tantos ng impeksyon. Wala ni isang duktor o nars ang namatay dahil sa bayrus. Ito ay dahil istriktong ipinatutupad ang mga hakbangin sa biosecurity at mahigpit na sinusunod ang mga protokol. Namamayani sa hanay ng mga frontliner ang diwa ng pagtutulungan at pag-aruga sa isa’t isa sa pagtitiyak ng kalinisan, sapat na kagamitan at distribusyon ng pagkain.

Sa kasagsagan ng pandemya, pinakamataas na ang anim na pasyenteng namatay sa bayrus sa isang araw. Mula Mayo, paisa-isa na lamang ang hindi nasasalba ng mga duktor. Walang namatay ni isang bata, tinedyer o buntis. Naging posible ito dahil sa buong-tiwalang pagsunod ng mamamayang Cubano sa mga patakaran ng kanilang estado. Lahat ng protokol ay nakasulat. Direkta at klaro ang mga patakaran. Gumampan ang midya ng susing papel sa maagap na pagpapalaganap ng tamang impormasyon.

Ang ganitong karanasan ay natatangi sa Cuba, kung saan mataas ang pampulitikang kapasyahan ng estado para alpasan ang isang pandaigdigang krisis sa kalusugan. Bahagi ng kanilang pagbubuklod ang maagap na tugon ng mga syentista at industriya sa biotechnology sa pag-aaral at pananaliksik ng mga paraan para alpasan ang pandemya. Isa sa kagyat nilang inasikaso ang pagpapaunlad ng sariling bakuna. Sa ngayon, dalawa na ang nasa antas ng clinical testing: ang Soberana 01 at Soberana 02.

Aktibo ang Cuba sa pagpapadala ng duktor at ibang manggagawang pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Itinuturing ng estado at mamamayan ng Cuba ang medikal na pagtulong bilang bahagi ng kanilang internasyunalistang tungkulin. Nasa 53 brigada ng mga propesyunal na nakapaloob sa Henry Reeve Medical Contingent ang nakakalat sa 39 bansa, dagdag sa mga Cubanong manggagawa sa kalusugan na dati nang nagsisilbi sa 58 bansa. Naniniwala ang Cuba na tanging sa kooperasyon at internasyunal na pakikiisa maisasalba ang sangkatauhan.

Ang lahat ng ito ay naging posible sa kabila ng matitinding blokeyo sa ekonomya na ipinataw ng US laban sa Cuba sa nakaraang anim na dekada. Nagdulot ang blokeyong ito ng pagkawala ng $3-bilyong pondo para sa sistemang pangkalusugan ng Cuba. Ang mga restriksyon sa pakikipagkalakalan ay humahadlang sa pagtulong ng Cuba sa katulad nitong maliliit na bansa.

Pagtataas ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan