Pasko ng kakapusan at gutom
Isa sa mga pinaka-inaabangang okasyon ng karaniwang mga Pilipino taun-taon ang Pasko. Pinakatampok na bahagi nito ang noche buena, kung saan nagtitipun-tipon ang mga kasapi ng pamilya para magsalo sa kadalasa’y espesyal na handang pagkain at magdiwang. Subalit ngayong panahon ng pandemya, maraming pamilya ang dumaraing na hindi na maipagpatuloy ang tradisyong ito dulot ng krisis na mahigit siyam na buwan nang nananalasa sa bayan. Karamihan sa kanila ay nawalan ng hanapbuhay at kita dulot ng lockdown.
Kabilang sa kanila ang drayber ng dyip na si Gerald. “Ngayong Pasko, hindi ko pa alam kung ano ang plano ko dahil gipit, at dahil hindi naman ako nakakabyahe,” aniya. Kaiba ito sa nagdaang mga taon kung saan ay nakakapagplano sila ng maihahanda bago pa man sumapit ang Pasko.
Nagsimulang dumausdos ang kabuhayan ng kanyang pamilya nang ipagbawal ang pagbyahe ng mga dyip na pumasada sa ngalan ng lockdown. Kabilang siya sa 200,000 drayber na hindi pa rin nakabibiyahe hanggang ngayon.
“Kung dati ay masasarap ang kinakain namin katulad ng manok at baboy, ngayong nagkapandemya ay talagang napakahirap. May mga panahon na nakaasa na lang kami sa ayuda. Minsan, paulit-ulit na lang yung ulam: mga delata, nudels at isda,” sabi niya. Gaya nila, dalawa sa bawat limang pinakamahihirap na pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom ngayong pandemya, habang isa kada lima ang nakaranas na hindi kumain sa buong araw.
Napilitan din siyang patigilin sa pag-aaral ang nag-iisa niyang anak, taliwas sa kagustuhan ng bata. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng World Bank at National Economic and Development Authority noong Agosto, 20% lamang sa nag-aaral bago ang pandemya ang nakapagtuluy-tuloy ng kanilang pag-aaral. Ang 80% ng mga magulang ay nagsabing pababalikin nila sa pag-aaral ang kanilang mga anak kapag nagbukas na ulit ang mga paaralan.
Daing naman ng magtataho na si Win-win na maliban sa gipit, hindi mabubuo ang kanilang pamilya dulot ng mga restriksyon sa pagkakwarantina. “Parang mas malungkot ang Pasko namin ngayon kasi hindi kami kumpleto,” aniya. Kumpara dati, hindi na makakasama ng lima niyang anak sa pagsalubong ng Pasko ang kanilang mga lolo, lola, pinsan, mga tiyahin at tiyuhin. Gaya ni Gerald, pangunahing nakaasa ang kanyang pamilya sa ayudang pagkain sa panahon ng lockdown.
Kabilang sina Gerald at Win-win sa 40% ng mga manggagawang nag-ulat ng pagbagsak ng kita dahil sa pandemya. Tinawag silang “bagong mahirap” ng World Bank, isang kategoryang tumutukoy sa isang seksyon ng lipunan na nawalan ng kita o trabaho dahil sa pandemya.
Gipit rin ang maliliit na negosyante sa impormal na sektor. Isa rito si Tam, na humingi ng payo sa kanyang mga kaibigan kung paano pagkasyahin ang ₱1,000 badyet para sa Pasko. “Yan lang ang badyet kasi ang iba pambili ng bigas,” aniya. Payo sa kanya ng karamihan: Bumili ng manok dahil ito ang pinakamura sa lahat ng karne ngayong buwan. Kumpara sa karneng baboy na ₱320 ang kilo, nasa ₱210 lamang ang isang kilo ng manok. Noong nakaraang buwan, pumalo sa 3.3% ang tantos ng implasyon, kung saan pinakamabilis na tumaas ang presyo ng pagkain.
Hindi lahat ay may pambili ng maihahanda. “Buti ka pa, may panghanda, kami matutulog lang,” sagot kay Tam ng kaibigan niyang si Lani. Mula nang tumama ang pandemya, parami nang parami ang bilang ng walang makain at nakaasa lamang sa kawanggawa ng simbahan at mga pribadong institusyon. Sa ulat na nauna nang nabanggit, nasa 54% ng mga pamilyang mahihirap ang nagsabing di nila kayang bumili kahit ng pinakabatayang pangangailangan tulad ng pagkain.
Palatandaan nito ang tuluy-tuloy na paglaki ng binibigyan ng pagkain ng mga organisasyong mapagkawanggawa at simbahan. Isa rito ang pinatatakbong soup kitchen ng Society of Divine Word na nagpapakain ng mahigit 1,000 katao, limang araw sa isang linggo, mula sa 250 lamang noong Abril. “Marami sa kanila ay walang mga tirahan,” ayon sa isang paring nagpapatakbo ng soup kitchen. “Pero parami nang parami na rin ang mga nawalan ng trabaho na lumalapit sa amin dahil sa desperasyon.”