13th month pay, hindi ibinigay sa marami
Maraming manggagawa ang umasang makatatanggap ng 13th month pay noong Disyembre 2020 para makabawi man lang sa kani-kanilang mga kabuhayan sa bagong taon. Marami rin ang umasang magagamit ito para mabayaran ang nagpatung-patong nilang utang dulot ng napakahabang panahon na wala silang trabaho. Lumipas na ang bagong taon pero marami pa rin sa kanila ang hindi nakatanggap ng naturang benepisyo.
Ang 13th month pay ay isang benepisyong obligadong ibigay ng mga employer sa kanilang mga manggagawa nang hindi lalampas sa Disyembre 24 ng bawat taon. Lahat ng mga manggagawa, kabilang ang mga kontraktwal, na nanilbihan nang hindi bababa sa isang buwan sa kanilang mga employer ay may karapatan na tumanggap ng benepisyong ito. Ito ay kinukwenta batay sa halaga ng buwanang sahod ng manggagawa at bilang ng buwan na siya ay nagtrabaho sa loob ng isang taon.
Sa nakaraan, ginagamit ng mga manggagawang Pilipino ang benepisyong ito para sa pasko, pantustos ng iba pang mga gastusin sa bahay, o di kaya’y iniimpok para magamit sa panahon ng kagipitan. Ngayong pandemya, kung kailan mas kailangan, saka naman ipinagkait ang benepisyong ito sa maraming manggagawa. Tinatayang nasa 2 milyon ang mga manggagawang hindi nakatanggap ng 13th month pay para sa 2020.
Kabilang sa kanila si Kim, manggagawa sa isang malaking grocery sa Maynila. “Limang taon na akong nagtatrabaho bilang merchandiser pero sa pangalan lang ako regular. Limang taon na akong hindi nakakatanggap ng 13th month pay at iba pang mga benepisyo,” aniya. Nitong nakalipas na mga non-working holiday (araw na walang pasok ngunit may sahod), inobliga si Kim ng kanyang employer na magtrabaho nang walang espesyal na kumpensasyon. Labag ito sa reaksyunaryong batas na nagsasaad na dapat bayaran ng hindi bababa sa 200% ng kanilang sahod ang mga nagtatrabaho sa holiday.
Wala ring natanggap na 13th month pay ang gwardya sa isang kumpanya sa Laguna at bagong-ina na si Lucy. “Ibinigay na ng agency ang 13th month pay ng mga kasamahan ko, pero wala akong natanggap. Naka-maternity leave ako ngayon dahil kapapanganak ko pa lang noong huling linggo ng Oktubre,” kwento niya. Nang magreklamo siya sa maneydsment ng security agency, sinabihan siya na kailangan muna niyang magpasa ng “temporary resignation letter” para makuha ang naturang benepisyo. Tumanggi siyang magpasa nito matapos balaan ng kanyang mga kamanggagawa na gagamitin lamang ito para sapilitan siyang tanggalin sa trabaho.
Imbes na 13th month pay, utang ang sumalubong sa manggagawa sa konstruksyon sa Pampanga na si Niko at kanyang mga kasamahan noong nakaraang buwan. Inilahad niya kung paanong ginamit ng kanyang employer ang cash advance (paunang sahod) sa kanila para ibaon sila sa utang at ipagkait ang naturang benepisyo. “Puro negatibo ang mga sahod namin kasi pinatubuan yung cash advance sa amin. Dedma lang ang employer sa amin, wala kahit konting konsiderasyon man lang.”
Gaya ni Niko, ikinaltas din sa 13th month pay ng drayber sa kumpanya na si Jack ang ₱3,000 na cash advance niya nang magsimula ang lockdown noong Marso. Inaasahan sana niya ang benepisyong ito para ipambili ng gamot para sa kanyang hypertension, pero halos ₱400 na lang ang kanyang natanggap. “Sabi ng supervisor namin, malaki rin daw ang nakaltas dahil Setyembre na ako pinabalik sa trabaho.”
Pinatutunayan ng mga kasong ito na walang pangil ang deklarasyon ni Labor Sec. Silvestre Bello na dapat na makatanggap ang mga manggagawa ng 13th month pay. Sa katunayan, wala pa rin siyang planong magsagawa ng inspeksyon para tiyakin ang pagsunod ng mga employer sa naturang batas. Wala ring natanggap na anumang subsidyo ang gipit na mga mga empresa, laluna na ang maliitan at katamtamang-laki, para tiyakin na mabibigyan ang kani-kanilang mga empleyado ng naturang benepisyo.
Bahagi ang ipinagkait na 13th month pay sa dahilan ng patuloy na pagbagsak ng sahod ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya. Sa buong mundo, tinaya ng International Labor Organization na bumagsak nang 11% ang sahod ng mga manggagawa o katumbas ng $3.5 trilyon (₱168 trilyon) sa unang tatlong kwarto ng 2020.