Badyet para sa kurakot at pasismo
Pormal nang nilagdaan ni Rodrigo Duterte noong Disyembre 28, 2020 ang ₱4.5 trilyong pambansang badyet para sa taong 2021 na tinawag ng mga kritiko nito na badyet para sa kurakot at pasismo.
Halos sangkapat ng badyet (₱1.1 trilyon) ay inilaan para sa mga proyektong imprastruktura habang wala pang 4% (₱200 bilyon) ang inilaan para apulain ang pandemya, sa pagtataas ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan at pagbili ng bakuna.
Todo-buhos ang pondo para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (₱38 bilyon) at paniktik (₱9.5 bilyon). Bagamat nagkaroon ng usap-usapan sa Senado ng pagbabasura sa ₱19.1 bilyong badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, nanatiling buo ito sa pinal na pinirmahang badyet.
Sa kabilang banda, tinanggal ni Duterte ang mga probisyon para sa paglalaan ng maliliit na pondo para sa pagbili ng karagdagang mga kama para sa mga pampublikong ospital; pagbibigay sa mga guro ng espesyal na alawans para sa transportasyon at pagbili ng mga kagamitan sa pagtuturo; relokasyon ng mga residenteng mapalalayas dahil sa itatayong mga proyektong imprastruktura; libreng pagpapakain para sa mga bata at iba pang mga batayang serbisyo.
Tinanggal din niya ang probisyon na nag-oobliga sa kanyang upisina na magsumite ng ulat sa Kongreso kung paanong ginagastos ang pondong paniktik nito kada kwarto ng taon.
Samantala, naglaan si Duterte ng ₱560 bilyon para bayaran ang kanyang mga inutang nitong nagdaang mga buwan. Umabot na sa ₱10.2 trilyon ang utang ng Pilipinas noong Nobyemre 2020.
Kakarampot na pondo para sa bakuna
Sa kabila ng bukambibig ni Duterte na bakuna ang tanging makapagsasalba sa bansa sa pandemya, ₱2.5 bilyon lamang ang aktwal na inilaan niya para sa pagbili nito. Ang karagdagang ₱70 bilyon ay manggagaling sa utang at di pa nakukulektang rebenyu. Nitong linggo, nabalita ang plano ni Duterte na muli na namang mangutang ng ₱30 bilyon mula sa Asian Development Bank at World Bank para ipambili ng bakuna. Ito ay sa kabila ng 8% pa lamang ang nagagamit ng rehimen sa ₱5 bilyong inutang nito sa World Bank noong Abril para umano labanan ang pandemya.
Dahil sa kawalan ng sentral na plano at pondo, marami nang syudad ang nagpahayag na bibili ng sariling bakuna para sa libreng pamamahagi sa mga residente. Imbes na saluhin ang malaking kakulangan, ipinasa ng rehimen sa mga kapitalista ang pagbili ng 600,000 dosis ng bakuna ng AstraZeneca (United Kingdom) at humingi ng 200,000 dosis para sa sariling gamit. Bago nito, 2 milyong dosis din ang ipinaako ng rehimen sa pribadong sektor.