Giit ng mga guro at magulang: Ligtas na pagbabalik-eskwela
Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang karakarakang pagbawi ni Duterte sa unang planong buksan ang klaseng “face-to-face” o harapan sa ilang eskwela sa Enero. Ayon sa mga guro, pagtalikod ito sa pangangailangan ng ligtas, de kalidad at abot-ng-mamamayan na edukasyon sa panahon ng pandemya. Tinawag ito ng grupo na isang “pasibong tugon” kung saan pinapipili na naman ang mamamayan sa pagitan ng kalusugan at buhay at karapatan sa mga serbisyong tulad ng edukasyon. “Tama na ang ganitong kalakaran,” ayon pa sa grupo.
Ipinaliwanag ng ACT na dapat nakatuon ang mga pagsisikap ng estado sa ligtas na pagbabalik sa harapang mga klase. Kinikilala ito ng mga guro bilang pinakamainam pa rin na paraan ng pagtuturo at pagkatuto. Lalo itong nagiging kagyat sa harap ng palpak at pahirap na blended learning na ipinatupad ng Department of Education (DepEd) sa nakaraang limang buwan. Kapos ang paghahanda, mali-mali ang mga modyul, at marami ang hindi nakasabay sa pamamaraang ito.
Walang paliwanag at kampanya ang DepEd kaugnay sa kahalagahan, risgo at paghahanda para sa ligtas na harapang mga klase. Dahil dito, marami sa mga magulang ang nag-akalang sabay-sabay na bubuksan ang mga paaralan sa lahat ng bahagi ng bansa, may bayrus man o wala. Nagpahayag sila ng pagkabahala at labis-labis na pangamba dahil sa takot sa bayrus at tinatayang laki ng gastos sakaling magkasakit sila o ang kanilang mga anak.
Isa si Sandy sa nag-akalang sabay-sabay na bubuksan ang mga eskwehalan. “Kaligtasan muna bago edukasyon,” aniya. “Saka na kapag may bakuna na” at “baka sa susunod na taon,” sagot ng iba. Gayunpaman, malayo pa ang posibilidad ng bakuna, laluna sa mga bata na inilagay ng rehimen sa pinakamababang prayoridad nito. Hanggang ngayon, nakakulong sila sa kani-kanilang mga bahay nang walang plano kung paano sila makababalik sa “normal” na buhay.
Pero marami rin ang payag na bumalik na sa harapang klase sa kabila ng manipis na impormasyon. Isa rito si Lena na may apat na anak na hirap sa sistemang modyul. “Hanggang Grade 3 lang ang tinapos ko kaya di ko sila kayang turuan.” Nangangamba siyang hindi makapagtapos sa Grade 12 ang panganay niyang anak habang tumatagal na walang titser na nagtuturo sa kanya. Wala pang nakapagtatapos ng elementarya sa kanilang pamilya.
“Sa totoo lang, ang sama sa loob,” sabi naman ni Joy. “Kung kelan magtatapos na ang taon, tsaka magkakaroon ng plano? Limang buwang nagpahirapan sa modyul, pwede naman palang face-to-face?” Bagong panganak si Joy nang magsimula ang blended learning noong Agosto. Mag-isa niyang inaalagaan ang kanyang ngayo’y limang buwan nang sanggol at mga anak na nasa Grade 2 at Grade 6.
“Dami nang trabaho ng mga nanay. Magluluto, maglalaba, maglilinis, maghuhugas, maghahanap pa ng pera,” sabi ni Gina. “Pagdating sa pagtuturo sa mga bata di na ko maka-concentrate dahil pagod na. Tamad pati silang mag-aral kasi nasa bahay lang.”
Ang mga pumayag sa face-to-face classes ay nagsabi ring payag sila basta magsuot ng facemask at face shield, may physical distancing, limitado ang oras at araw ng pasok at di siksikan ang klasrum. Naiintindihan nila ang mga risgo ng face-to-face na klase at handa silang balikatin ang responsibilidad na iaatang sa kanila para matiyak na ligtas ito. Handa silang pumaloob sa anumang programang ihahain ng DepEd kung may sapat na konsultasyon para rito. “Halos wala silang natututunan sa mga modyul,” sabi ni Fanny. “Ako ang gumagawa ng project at sumasagot sa mga eksam.”
“Yung mga tambay nga, pinayagan nang mag-inuman, bakit yung mga bata di pa payagang maayos na makapag-aral?” Noong Oktubre pa ibinukas ang lahat ng iba pang establisimyento at mga lugar-aliwan.
Mula Nobyembre hanggang Disyembre, marami nang mga syudad at bayan ang nagdeklara ng Covid-free na mga barangay. Covid-free o wala nang Covid ang isang lugar kung wala itong naitalang kaso sa loob ng minimum na dalawang linggo. Labas ng Metro Manila, may mga eryang napakababa ang tantos ng impeksyon, kung meron man, at madaling naapula dulot ng pagtutulungan ng mga residente at lokal na konseho.