Ligtas sa Covid-19 pero hindi sa hirap
Nagtapos ang taong 2020 nang may 474,000 kaso ng nahawa ng bayrus ng Covid-19 sa Pilipinas. Noong Enero 4, sinasabing 448,258 dito ay “nakarekober” sa sakit habang 9,257 naman ang namatay. Kalakhan ng mga nahawa at nakarekober ay nasa edad 49 pababa. Pinakamarami ang namamatay sa mga pasyenteng edad 60 pataas.
Sa buong panahon ng pandemya, libu-libo sa mga nahawa ang idineklara ng Department of Health (DOH) na “nakarekober” o gumaling na sa sakit kada Linggo. Sa ilalim ng protokol na “Oplan Recovery,” lahat ng mga asymptomatic (walang dinaramdam na sintomas) at kaso na hindi lumala ay awtomatikong idinedeklarang “nakarekober” matapos ang rekisitong 14-araw na pagkakwarantina. Ang pagkwarantina ay maaaring isagawa sa mga pasilidad na pinatatakbo ng mga lokal na gubyerno o sa sariling bahay ng pasyente. Dagdag sa kanila ang mga gumaling sa loob ng mga ospital.
Hindi na isinasailalim muli sa testing ang mga “nakarekober” habang nasa kwarantina. Ayon sa DOH, ito ay dahil marami sa kanila ang magpopositibo pa rin dulot ng bayrus na nasa katawan pa nila. Gayunpaman, hindi na umano nakahahawa ang bayrus na ito. Ayon sa mga syentista, pinakanakahahawa ang bayrus sa unang 10 araw ng impeksyon. Mahigit 90% ng mga nahawa na may edad 59-pababa ay gumagaling sa sakit.
Gumaling man sa sakit, hindi natatapos ang kanilang pagdurusa. Hindi iilan ang nabaon sa utang dahil sa sobrang mahal ng pagpapaospital. Marami ang tuluy-tuloy na dumaranas ng karamdaman at hirap makabalik sa dati nilang buhay. Kung wala silang natanggap na ayuda, subsidyo o kahit anong suporta mula sa estado noong nagkasakit sila, lalong wala silang natanggap pagkatapos nilang makaligtas.
Sa Metro Manila, umaabot sa ₱30,000 hanggang ₱40,000 kada araw ang singil ng mga pribadong ospital, wala pa ang bayad sa duktor. May mga pasyenteng banayad ang sintomas na nagbayad ng ₱570,000 para sa 14-araw na pagkakaospital. Ang malalaking ospital ay sumisingil nang hanggang ₱700,000 sa isang linggong pagpapagamot, kahit pa hindi umabot sa paggamit ng oxygen o ventilator ang pasyente.
Hindi agad-agad nawawala ang dinaranas na sakit ng mga nakaligtas sa Covid-19. Hindi iilan ang nag-ulat ng panaka-naka pa ring lagnat, ubo, pagkawala ng panlasa at pang-amoy, at kahirapan sa paghinga kahit ilang linggo na silang idineklarang ligtas na. Hindi pa matantya kung ilan sa mga nakaligtas ang apektado sa kalagayang ito, na tinatawag na “long” o mahabang Covid.
“Minsan nagigising pa rin ako na di nakahihinga,” ayon kay Manny, tatlong buwan matapos siya lumabas sa kwarantina. Dalawang beses siyang nagpositibo at nagkwarantina sa loob ng dalawang buwan bago nagtala ng negatibo ang kanyang test. Para gumaling, bumili si Manny ng mga bitamina at iba pang pampalakas ng resistensya, gamit ang natitira niyang ipon.
Hindi rin agad-agad na nakababalik sa trabaho ang mga nakaligtas. “Setyembre ako unang nagpositibo at nagkwarantina,” ayon kay Pinang, isang manggagawa. Disyembre na pero hindi pa rin siya nakababalik sa trabaho. Tulad ng maraming kumpanya, rekisito sa kanyang pinagtatrabahuan ang magnegatibo muna ang mga nahawa bago muling papasukin. “Limang beses na akong paulit-ulit na nagpa-test pero positibo pa rin,” ayon kay Pinang. Sa kahuli-hulihan, nagpailalim siya sa isang espesyal na test para malaman kung nakahahawa pa ba ang bayrus na nasa kanyang katawan. “Simula pa lang ng trabaho, baon na agad sa utang,” sabi niya. Ang bawat test ay nagkakahalaga ng mula ₱1,500 hanggang ₱8,000, depende sa lugar at ospital. Hanggang ₱3,409 lamang ang sinasagot ng PhilHealth at saka lamang kung ang mga test ay ginawa sa iisang laboratoryo o ospital.
“Naisip ko nang magresayn na lang sa trabaho,” sabi ni Pinang, “pero ang hirap ngayon makahanap ng ibang mapapasukan.” Nangangamba rin siyang hindi niya makukuha ang kanyang mga benepisyo sa panahong pinakakailangan niya ito. Sobrang bagal at masalimuot ang proseso ng pag-aplay at pagkuha ng benepisyo sa Social Security System. “Noong Oktubre pa nagsi-resayn ang katrabaho ko pero Disyembre na, wala pa rin silang sickness benefit na natatanggap,” dagdag niya.