Mga katutubong kontra-dam, minasaker
Siyam na katutubong Tumandok na aktibong tumututol sa pagtatayo ng dam sa kanilang lupang ninuno ang minasaker, at 17 iba pa ang arbitraryong dinakip ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at 12th IB noong Disyembre 30, 2020 sa magkakanugnog na barangay sa hangganan ng Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo.
Kinilala ang mga pinaslang na sina Roy Giganto, Mario Aguirre at Reynaldo Katipunan ng Barangay Lahug; Maurito Diaz, Sr. ng Barangay Tacayan; Eliseo Gayas, Jr. ng Barangay Aglinab; Artilito Katipunan ng Barangay Acuña; Jomar Vidal ng Barangay Daan Sur; at Dalson Catamin at Rolando Diaz ng Barangay Nayawan, lahat sa bayan ng Tapaz.
Ang mga biktima ay kilalang mga lider katutubo at kasapi ng Tumanduk, organisasyon ng 17 komunidad ng Tumandok sa Panay. Ayon sa mga saksi, pwersahang pinasok ng mga pasista ang bahay ng mga biktima nang madaling araw, pinalabas ang mga kaanak, at saka pinagbabaril ang mga biktima. Ilan sa mga biktima ay pinatay habang natutulog. Tinortyur din bago paslangin si Gayas.
Umabot sa 300 ang nag-operasyong mga pasista sa 10 barangay ng Tapaz, at 200 naman sa anim na barangay ng Calinog.
Matapos ang krimen, malisyosong pinalabas ni Lt. Col. Gervacio Balmaceda ng CIDG Region 6 na mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga biktima at pinaslang matapos “manlaban.” Samu’t saring mga baril at pasabog ang itinanim ng mga operatiba sa bahay ng mga biktima.
Dahil sa lagim na sinapit ng mga komunidad, natulak na lumikas ang may 500 indibidwal mula sa mga baryo. Nagtungo sila sa iba’t ibang sentrong ebakwasyon sa Tapaz at Calinog.
Matagal nang pinalalabas ng militar na may kaugnayan ang Tumanduk sa Partido at BHB. Layon ng panggigipit na supilin ang mariing pagtutol ng mga katutubo sa itinatayong Jalaur Megadam sa Calinog at planong Panay River Basin Integrated Development Project sa Tapaz at Jamindan. Palalayasin ng mga proyektong ito ang puu-puong libong katutubo at ilulubog ang kanilang mga lupa. Nilalabanan din ng mga Tumandok ang pang-aagaw ng 3rd ID sa kanilang mahigit 33,310 ektaryang lupaing ninuno na ginagamit bilang reserbasyong militar.