Napipintong malawakang pagsupil sa tabing ng “anti-terorismo”
Noong katapusan ng Disyembre 2020, inanunsyo ng Anti-Terrorism Council (ATC) ni Rodrigo Duterte na pormal nitong “itinatalaga” bilang “teroristang organisasyon” ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Isinagawa ang hakbang na ito alinsunod sa Anti-Terrorism Law (ATL) na minadaling isabatas ni Duterte noong Hulyo 2020.
Malisyoso at walang batayan ang “pagtatalaga” ng ATC laban sa PKP at BHB. Ang PKP at ang BHB ay mga rebolusyonaryong organisasyon na nagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang paglaya. Ang armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino ay matagal nang kinikilala ng lokal at dayong mga institusyon, organisasyon at gubyerno bilang lehitimong pakikibaka laban sa pang-aaping dayuhan at lokal.
Ang mga rebolusyonaryong armadong pwersa ay mahigpit na tumatalima kapwa sa mga panloob na alituntunin at mga internasyunal na makataong batas na nangangalaga sa interes at kapakanan ng mga sibilyan. Mahigpit na naninindigan ang Partido at BHB laban sa teroristang karahasan laban sa di armadong mamamayan.
Isinagawa ng ATC ang hakbang na ito kahit hindi pa nahuhusgahan ang hindi bababa sa 30 reklamong isinampa sa Korte Suprema na kumukwestyon sa ATL. Kinukwestyon din ng ilang ekspertong ligal ang pagkakaso ng “terorismo” laban sa Partido at BHB na anila’y “rebelde” at hindi “terorista” dahil sa layunin nitong ibagsak ang naghaharing gubyerno at palitan ito ng demokratikong gubyernong bayan.
Bagaman idinidiin sa malisyosong pagtatalaga sa ilalim ng ATL, hindi ang Partido at BHB ang pinakatarget ng mga hakbang na ito ng rehimeng Duterte. Dahil dati nang iligal at hindi nasasaklaw ng batas ng reaksyunaryong gubyerno, ang PKP at BHB ay walang katayuang ligal na pwedeng maapektuhan ng hakbanging ito.
Ang tunay na target ng malisyosong pagtatalaga laban sa PKP at BHB ay ang ligal at hindi armadong mga pambansa-demokratikong pwersa at ang malawak na hanay ng progresibo at patriyotikong mga samahan, party-list, unyon, tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga NGO (non-governmental organization) at indibidwal na aktibong kumokontra sa tiraniya. Inamin ng mga pangunahing upisyal ni Duterte na idadamay sa hakbanging ito ang mga grupong isinasakdal nilang mga “prente” ng PKP at BHB. Nitong nagdaang mga buwan, hayagan nilang nire-red-tag ang mga organisasyong ito.
Alinsunod sa hakbang na ito, ipinag-utos ng gubyerno na hawakan ang mga “bank account ng PKP at BHB,” na makaaapekto, hindi sa PKP (na walang pera sa bangko na maaaring ipitin ng gubyerno), kundi sa iba’t ibang mga organisasyon at indibidwal na inaakusahan ng gubyerno na “nagpapadala ng pondo sa BHB.”
Hindi malayong sa loob ng ilang linggo o buwan, gagamitin ng gubyernong Duterte ang hakbang na ito para sa tahasang iligalisasyon at pag-ipit sa mga demokratikong karapatan. Sa pormal na “pagtalaga” sa PKP at BHB na “terorista,” ang sinumang akusahan na naka-ugnay, sumusuporta, nagsisimpatya o nagkakanlong sa kanila ay maaaring isakdal at parusahan sa ilalim ng ATL. Gagamitin ni Duterte ang tabing ng “anti-terorismo” para supilin ang demokrasya at patahimikin ang lahat ng tumututol sa kanyang tiraniya.
Dapat puspusang kumilos at lumaban ang lahat ng pwersang demokratiko laban sa paggamit ni Duterte sa ATL para supilin ang mga demokratikong karapatan at katayuang ligal. Hinihikayat ng Partido ang iba’t ibang pwersa, maging yaong walang kinalaman sa PKP o kahit kontra sa PKP o BHB, na manindigan laban sa paggamit ng ATL para sa “pagtalagang terorista” laban sa PKP at BHB dahil hindi malaon ay madadamay ang mga karapatang ligal at pampulitika ng lahat.
Nanawagan ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa mga kaibigan ng mamamayang Pilipino na magpahayag laban sa ATL. Ayon sa NDFP, lalong nagiging imposibleng magkaroon ng usapang pangkapayaan bilang paraan ng paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas.
Nanawagan din ang NDFP sa mga mamamayan at gubyerno ng United States, European Union, New Zealand, Australia at United Kingdom na magsalita laban sa maling pagtalaga sa PKP. Iginiit din nito ang pag-aalis sa pangalan ng PKP at BHB sa “listahang terorista” ng US at ilang dayong gubyerno upang makatulong sa pagsisikap ng mamamayang Pilipino na labanan ang mga tangkang magtatag ng isang pasistang diktadura sa tabing ng “anti-terorismo” at likhain ang kundisyon upang muling masimulan ang nauntol na usapang pangkapayapaan ng GRP-NDFP.
Dahil mayroon na lamang mahigit 500 araw sa Malacañang, nagmamadali ngayon si Duterte na pagulungin ang kanyang mga pakana para mapanatili ang dinastiyang Duterte sa poder. Kabilang sa mga ito ang tahasang pagtatatag ng isang pasistang diktadura, pagtulak ng “charter change” sa ngalan ng pederalismo at ang pagsisiguro na “mahahalal” ang kanyang ambisyosa, simpasista at uhaw-sa-kapangyarihang anak na si Sara para humalili sa pagkapresidente.
Kaya papatindi nang papatindi ang kampanyang pagsupil ng rehimeng US-Duterte. Bago magtapos ang 2020, siyam na lider ng minoryang mamamayang Tumandok ng Panay ang walang kalaban-labang pinaslang ng mga pasistang pulis sa madaling araw na pagreyd sa kanilang mga baryo noong Disyembre 30. Hindi malayong pangitain ito ng “estilong Jakarta” na madugong pagsupil na matagal nang gustong ipatupad ni Duterte sa kanyang kampanyang “anti-komunista.”
Sa harap ng malaking pasistang banta laban sa mga demokratikong karapatan, dapat puspusang kumilos ang Bagong Hukbong Bayan at maglunsad ng mga taktikal na opensiba, laluna laban sa mga abusadong yunit ng militar at pulis. Kailangan ding buuin ang mga armadong partisanong yunit ng BHB para ipakat sa labas ng mga sonang gerilya upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pasilidad militar, pangkomunikasyon at pangtransportasyon ng kaaway at laban sa mga susing upisyal at tauhang sangkot o utak sa mga pasistang krimen laban sa masa.