Sa ika-52 taon ng PKP | #DiPagagapi: Higit pang palakasin ang Partido!
Simple ngunit masasayang pagtitipon ang isinagawa sa iba’t ibang larangang gerilya at komunidad ng masa para ipagdiwang ang ika-52 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2020. Sa harap ng matitinding operasyon at panghahalihaw ng militar, nagpursige ang masa para makadalo at makiisa sa aktibidad at ipagdiwang ang mga tagumpay na nakamit ng Partido at rebolusyonaryong kilusan at humalaw ng aral sa kanilang mga karanasan sa nagdaang taon.
Sa paunang mga ulat, nagkaroon ng mga pagtitipon at selebrasyon sa mga larangang gerilya ng Ilocos-Cordillera Region, Southern Tagalog, Southern Mindanao Region (SMR) at North Eastern Mindanao Region. Sa SMR, isinabay sa selebrasyon ang pagtatapos ng Batayang Kurso ng Partido sa isang kampuhan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
North Central Mindanao. Hinarap at napangibabawan ng rebolusyonaryong pwersa ang bangis ng kaaway sa rehiyon. Epektibong napreserba ng Partido ang lakas nito sa erya at nasa pusisyon ito ngayon na magkamit ng ibayong tagumpay sa susunod na taon. Noong 2020, nakapaglunsad ang BHB ng 92 aksyong militar sa rehiyon laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga paramilitar na nagsisilbing pwersang panseguridad ng dambuhalang mga minahan at plantasyon. Hindi bababa sa 154 ang kaswalti sa hanay ng reaksyunaryong militar kung saan 88 ang namatay sa labanan.
Tagumpay din ang iba’t ibang kampanyang masang inilunsad sa rehiyon gaya ng pagkumpronta sa mga panginoong maylupa, paghahain ng reklamo sa mga ahensya ng gubyerno at kampanyang tigil-operasyon sa mga kumpanya. Sa pamamagitan nito, naitaas ang sahod ng mga manggagawang bukid at naibigay ang kanilang mga benepisyo. Naitaas din ang presyo ng mga produkto ng mga magsasaka. Matapang ding hinaharap ng masa ang pasismo ng AFP sa kanilang komunidad. Binigyan-pugay ng komite ng Partido sa rehiyon ang 18 mandirigmang nasawi dahil sa pambobomba ng AFP at siyam na nasawi sa armadong engkwentro.
Northeastern Mindanao. Matinding mga hamon sa pagsusulong ng digmang bayan ang napangibabawan ng rehiyon sa 2020. Sa harap ng todong atake ng rehimen, napanghawakan ng BHB ang inisyatibang militar. Nakakumpiska ang mga Pulang mandirigma ng mga armas na kayang armasan ang isa pang platun. Nakapagtala rin ng 98 armadong aksyon laban sa nag-oopereyt na tropang militar habang katumbas ng maliit na kumpanya ang bilang ng kanilang kaswalti.
Panay. Signipikanteng paglaki naman sa masang kasapian ng rebolusyonaryong mga organisasyon ang tampok sa pahayag ng komiteng rehiyunal ng Partido sa isla. Sila ang nanguna sa paglulunsad ng mga repormang agraryo tulad ng paggigiit ng karapatang bungkalin ang tiwangwang na mga parsela ng lupa, pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan at pagsusulong ng iba pang kilusan para sa kanilang makauring mga interes.