Social media sa Pilipinas: Daluyan ng pagkakaisa at paglaban
Dulot ng Covid-19 at militaristang lockdown, limitado ang naging pisikal na pagtitipon at pagkilos ng mga demokratikong organisasyon noong 2020. (Basahin ang kaugnay na artikulo: Mga protestang bayan sa kabila ng lockdown) Sa ganitong kalagayan, sinikap ng mga organisasyong masa ng mga sektor sa kalunsuran na gamitin ang mga platapormang online para makapagmulat, mag-organisa, magtipon at mag-aral.
Sa inisyal na nakalap na datos ng Ang Bayan, mayroong mahigit 300 na online na mga aktibidad, karamihan ng mga lokal na balangay, ang nailunsad noong nakaraang taon. Ang mga ito ay nasa porma ng protesta, kultural na pagtatanghal, social media rally (sabayang pagpopost ng mga hinaing gamit ang komun na mga hashtag), webinar at pampulitikang pag-aaral, oryentasyon at pagbubuo ng mga mga balangay at mga pulong ang nailunsad sa buong taon. Pinakaaktibo sa aktibismong online ang sektor ng kabataan.
Panaka-naka namang mga porum at protesta ang inorganisa ng mga pambansang sentro ng mga demokratikong organisasyon (may mga lingguhan habang ang iba ay tuwing may napipintong pagkilos).
Pinakamarami ang nakiisa sa protesta noong Mayo 1, 2020 sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno. Napanood ito ng higit 77,000 beses sa Facebook. Kasabay nito ang isinagawang pagpo-post ng mga larawan at panawagan para sa kalusugan, kabuhayan at karapatan.
Pinakatampok sa buong taon ang mga porum at maiiksing pag-aaral hinggil sa pagsasabatas ng Anti-Terror Law. Maraming porum at pag-aaral ang nailunsad ng mga lokal na tsapter ng organisasyong kabataan sa Metro Manila, Southern Tagalog, Cordillera at ilang mga prubinsya sa Visayas at Mindanao.
Ilampung libong pirma rin ang nakalap ng kampanya laban sa ATL at pagsuporta sa ABS-CBN matapos itong ipasara. Nag-trending nang ilang ulit ang #JunkTerrorLaw (Ibasura ang Terror Law) para ihayag ang pagtutol sa batas kasabay ng panawagang #OustDuterteNow (Patalsikin si Duterte, ngayon na).
Tumampok din ang paglaban sa red-tagging, hinaing ng manggagawang pangkalusugan at mga kawani ng gubyerno para ibigay ang hazard pay at libreng mass testing, pagkadismaya ng kabataan sa online learning gamit ang #NoStudentLeftBehind at pakikiisa sa kampanyang #BalikPasada para sa mga drayber ng dyip.
Napamalas ang potensyal at bilis ng pangangalap ng tulong sa social media nang sunud-sunod na bayuhin ng mga bagyo ang bansa. Mabilis na lumaganap ang panawagan para sa donasyon at ayuda, gayundin ang pagpapanagot sa kawalang-tugon ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng pag-trending ng #NasaanAngPangulo.
Ilang mga organisasyong nakabase sa komunidad at pabrika ang aktibong nagpahayag ng hinaing sa social media sa panahon ng lockdown. Binatikos nila ang napakabagal na pamamahagi ng Social Amelioration Program ng rehimen at kakulangan ng ayudang pagkain.
Inilunsad din sa mga kulumpon ng mga manggagawa, maralita at magkakabarangay ang mga online na konsultahang bayan para kalapin ang hinaing ng taumbayan. Bukod pa rito ang hiwa-hiwalay na mga post ng mga maralita, guro, kabataan at mga propesyunal.
Kasabay ng pag-arangkada ng protestang online, lumakas din ang pambubusal ng estado. Marami ang ginipit at inaresto dahil lamang nag-post sila ng kanilang hinaing at kritisismo online.
Malaking potensyal ng social media
Nasa 81 milyong Pilipino ang gumagamit ng internet, ayon sa isang pag-aaral noong Oktubre 2020. Ang mga Pilipino ang pinakababad sa internet sa buong mundo, kung saan halos 10 oras kada araw ang iginugugol nila rito. Apat na oras kada araw ang iginugugol nila sa social media. Mayorya sa mga gumagamit ay edad 20 hanggang 34 taong gulang.
Naaabot ng Facebook ang halos lahat ng 81 milyong nasa internet na Pilipino. Nasa 40 milyon naman ang naabot ng Youtube, 14 milyon ng Instragram, 10 milyon ng Snapchat, at 7.8 milyon ng Twitter.