Treyning-militar, inilunsad ng BHB-Eastern Samar
Nakapagtapos ng Batayang Kursong Pulitiko-Militar (BKPM) ang isang platun ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Eastern Samar sa gitna ng matinding operasyong militar noong Oktubre 2020. Sa loob ng 12 araw, nagawang magtreyning ng mga Pulang mandirigma sa eryang okupado ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng militar.
Layunin ng pagsasanay na pataasin ang kakayahang militar ng yunit bilang bahagi ng paghahanda sa mas matinding pag-atake ng mga armadong pwersa ng rehimeng Duterte. Naging katuwang sa aktibidad ang lokal na organisasyong masa sa pagtiyak ng seguridad at lohistika.
Sa isang simpleng seremonya pagkatapos ng treyning, ipinahayag ng mga estudyante na tumaas ang kanilang kumpyansa na makidigma at isulong ang armadong pakikibaka laban sa pasismo ng estado. Pagkatapos ng treyning, agad na ipinakat ang nasabing yunit para harapin ang mga pasistang tropang nagsasagawa ng operasyong RCSP sa lugar.
Mga baril, isinuko ng CAFGU sa BHB
Patay ang isang upisyal ng 46th IB matapos siyang barilin ng isang elemento ng CAFGU na hindi na nakatiis sa pagmamalupit noong Setyembre sa Barangay Bugho, Pinabacdao, Samar. Tumangging manguna sa pagpatrulya ang naturang elemento dahil sa takot na masabugan ng bomba ng BHB. Dahil dito ay binugbog siya ng kanyang kumander, na siyang nagtulak upang barilin niya ang upisyal. Isinurender niya ang inisyu sa kanyang ripleng R4 at pistola sa BHB, at humingi ng tulong laban sa AFP. Makalipas ang dalawang linggo ay tuluyan nang nilisan ng 46th IB ang sinakop nilang mga baryo ng Pelaon, Magdawat at Manaing sa nasabing bayan.
Sa Negros Oriental, isang tinyente at isa pang sundalo ng 11th IB ang napatay, habang dalawa pang sundalo ang nasugatan nang makaengkwentro nito ang isang yunit ng BHB sa bayan ng Siaton noong Disyembre 24, 2020. Dalawang Pulang mandirigma ng BHB ang namartir.