Bangkay ng pinatay na unyonista, ipinagkait sa pamilya
Umabot sa mahigit tatlong linggo bago ibinigay sa pamilya ang bangkay ni Vilma Salabao, unyonista na kabilang sa minasaker ng pulis at mga tauhan ng 2nd ID sa isang manggahan sa Sityo Malalim, Barangay San Jose, Baras, Rizal noong Disyembre 17, 2020.
Kabilang din sa mga biktima sa naturang masaker sina Carlito Zonio, tagapangalaga at punong upisyal sa seguridad ng manggahan; magpinsan na sina Jonathan at Niño Alberga, mga gwardya; at si Wesley Obmerga. Si Obmerga ay may tuberkulosis at sakit sa bato, samantalang may kanser si Salabao. Tinagurian ang mga biktima bilang Baras 5.
Sa imbestigasyon ng Karapatan-Southern Tagalog, nakitaan ng mga palatandaan ng matinding tortyur ang mga bangkay ng mga biktima.
Matapos ang karumal-dumal na krimen, nagtanim ng mga ebidensyang baril at pasabog ang mga pasista upang palabasing mga kasapi sila ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Unang ibinalita ng 2nd ID sa pamumuno ni Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. na umano’y mga kolektor ng rebolusyonaryong buwis ang kanilang mga biktima, at napatay nang manlaban. Makalipas ang ilang linggo, sinabi naman ni Sec. Eduardo Año ng Department of Local and Interior Government na mga partisano umano ang mga biktima.
Pamamaslang. Pinatay ng Philippine National Police (PNP)-Camarines Sur si Aldren Lagdaan Enriquez, aktibong myembro ng Camarines Sur People’s Organization na pinaratangang myembro ng BHB noong Enero 6 sa Barangay Sagrada, Iriga City. Pinasok ng 30 pulis ang kanyang bahay at walang awa siyang binaril sa harap ng kanyang dalawang batang anak.
Pinatay din ng PNP-Region 5 si Eddie Barcoma Belludo ng Sityo Camenorial, Barangay Banquerohan, Legazpi City noong Enero 11. Pinaratangan siyang myembro ng hukbong bayan at tinamnan ng ebidensyang baril at pasabog.
Panggigipit. Sinampahan ng gawa-gawang kasong pagpatay si Windel Bolinget, tagapangulo ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) batay sa paratang ng isang pulis sa Tagum City, Davao Del Norte. Pinaratangan siya at siyam pang indibidwal sa pagpatay kay Garito Tiklonay Malibato, myembro ng grupong Lumad na Karadyawan, noong Marso 2018. Si Malibato ay pinatay ng paramilitar na Alamara.
Iligal na pag-aresto. Inaresto sina Ruel Custodio at Ruben Estocado, parehong magniniyog na myembro ng Coco Levy Funds Ibalik Sa Amin, ng pinagsanib na pwersa ng mga pulis at sundalo ng 201st IBde sa Barangay Zone 3, Poblacion, Atimonan, Quezon noong Disyembre 26. Inakusahan silang mga myembro ng BHB at tinamnan ng mga baril at pasabog. Hindi sila pinahintulutang madalaw ng kanilang mga pamilya.
Pagdukot. Hindi pa rin inililitaw ang magsasakang si Anselma Garde, 31, mula nang siya ay dukutin ng 62nd IB noong Enero 17 sa Sityo Batong-Buang, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental.
Sa parehong araw, kinanyon at binomba ng militar ang bukiring bahagi ng mga barangay ng Sandayao, Trinidad, Binobohan, Imelda at Tacpao sa parehong bayan. Nagresulta ito sa pagbabakwit ng nasa 100 pamilya.