Ipaglaban ang libre at ligtas na bakuna sa Covid-19
Ang lubhang nahuhuli at kakulangan ng suplay ng bakuna sa Covid-19 ang pinakahuli sa animo’y walang katapusang kapalpakan, pagpapabaya at korapsyon ng rehimeng Duterte sa pagharap nito sa pandemyang Covid-19.
Halos isang buwan mula nang simulan ang malawakang pagbabakuna sa iba’t ibang panig ng mundo, wala pang isinasagawang hakbangin ang gubyernong Duterte para tiyaking mapoproteksyunan ang malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas sa Covid-19.
Katunayan, walang balak ang gubyerno ni Duterte na manguna sa ganitong malawakang pagbabakuna. Sa badyet ng 2021, naglaan lamang ito ng mahigit dalawang porsyento (2.7%) ng tinatayang gagastusing ₱72 bilyon para bakunahan ang 60% ng populasyon. Ang iba ay uutangin nito sa World Bank at Asian Development Bank.
Inoobliga nito ngayon ang ilang malalaking kapitalista na i-“donate” ang kalahati ng kani-kanilang bibilhing bakuna. “Wala akong pakialam” ang sabi ni Duterte sa mga lokal na gubyernong nagkakani-kanya na sa pagbili ng bakuna sa mga kumpanyang parmasyutika, pero inoobligang isama ang pambansang gubyerno sa mga pakikipag-areglo. Ang mga lokal na gubyernong kulang ang pondo ay tiyak na huli ring makakukuha ng bakuna.
Kulang na kulang ang planong bilhin para sa libreng pagbabakuna. Aabot lamang sa 42 milyong dosis ang diumano’y nakontratang bilhin na ng pambansang gubyerno (Sinovac), mga LGU at pribadong kumpanya (AstraZeneca). Kahit lahat ito’y ipamahagi, sapat lang ito sa 21 milyon o 19% ng 110 milyong Pilipino, malayo sa rekomendadong 60% mabakunahan. May ilang milyon ding papasok na gawa ng Moderna, Novavax, Pfizer para sa mga gustong bumili.
Umaalingasaw ang katiwalian sa pagbili ng bakuna. Noong Setyembre pa nagpahayag ng pagpabor si Duterte ng pagbili ng bakuna mula sa China at Russia. Ilang buwan na ang mga sikretong negosasyon. Nag-unahan ang mga upisyal ni Duterte sa pagsara ng mga kontrata hanggang kinontrol niya ito sa paghirang sa isang “hari ng bakuna,” na nag-anunsyo kamakailan na selyado na ang kontrata sa pagbili ng bakuna na gawa ng kumpanyang Sinovac ng China, kahit pa hindi klaro ang presyo nito o maging kung gaano ito kaepektibo. Malaking halaga ang pinaniniwalaang ibinulsang kikbak ni Duterte at mga upisyal ng gubyerno. Kilala ang Sinovac sa buong mundo sa panunuhol.
Ayon sa anunsyo ng mga upisyal ni Duterte, katapusan ng Pebrero ang pinakamaagang pagdating ng mga bakuna. Pero bago pa nito, nakapag-iniksyon na ang malalapit na tauhan ni Duterte, kabilang ang mga sundalong personal niyang bantay, na labis na ikinagalit ng mga manggagawang pangkalusugan na dapat ay prayoridad na mabakunahan. Napabalita rin ang iligal na pagpasok ng bakuna mula sa China para iniksyunan ang 100,000 manggagawang Chinese sa mga POGO.
Tumatampok ngayon sa Pilipinas at buong mundo kung papaanong hawak ng iilang monopolyong kapitalista ang pagpapaunlad ng mga bakuna. Pinauunlad at minamanupaktura ito hindi para sa interes ng sangkatauhan kundi para kumamkam ng tubo. Ang pandemyang Covid-19 ay sinasamantala ng mga higanteng kumpanya sa parmasyutika na ngayon ay nag-uunahang kontrolin ang malaking bahagi ng pamilihan. Walang pagtutulungan, bagkus naglilihiman at nagkukumpetisyon ang mga kumpanyang ito. Isinisikreto ng mga ito ang pananaliksik at kaalaman tungkol sa pagpapaunlad ng bakuna. Inililihim din ang negosasyon sa bentahan para maibenta ito sa pinakamataas na presyo.
Ang Pilipinas ay walang kapasidad na magpaunlad o magmanupaktura ng sariling bakuna o mahahalagang gamot, liban sa paracetamol. Sa ilalim ni Duterte, lalo pang binawasan ang badyet para sa pananaliksik. Kaya pagdating sa bakuna sa Covid-19, hawak ng mga monopolyong kapitalista at dayong gubyerno ang mga Pilipino sa leeg. Kasosyo nila ang mga lokal na malalaking kapitalista at kasabwat ang mga burukrata-kapitalista sa gubyerno.
Sa harap ng pandemyang Covid-19 na nakahawa na sa mahigit kalahating milyong Pilipino, at mahigit 95 milyon sa buong mundo, at ikinamatay ng mahigit 2 milyong katao, puspusan ang pagsisikap ng iba’t ibang bansa na isakatuparan ang malawakang programa ng pagbabakuna. Nangunguna ang mga kapitalistang bansa tulad ng United Kingdom, United States, Japan, China, Canada, New Zealand, Australia, Singapore at iba pa sa pagbili ng sobra-sobrang bakuna para sa kanilang mamamayan. Maging ang di maunlad na bansa tulad ng Cuba, India, Vietnam, Iran atbp. ay nakapagpaunlad ng sarili nilang bakuna at magsasagawa ng libreng pamamahagi nito.
Hinihikayat ng Partido ang lahat ng Pilipino na magpabakuna kontra sa Covid-19. Ito ay para sa kalusugan ng mga indibidwal at ng buong lipunan. Ang malawakang pagpapabakuna ng populasyon ay isa sa susing hakbangin upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19. Kasabay nito, dapat respetuhin ang pasya ng mga indibidwal batay sa kanilang pinanghahawakang mga paniniwala.
Dapat isagawa ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang malawakang pagpapaunawa at pagtataas ng kaalaman ng mamamayan tungkol sa bakuna upang pawiin ang pangamba o maling paniniwala kaugnay nito. Dapat tulungan ang lahat na unawain ang kahalagahan ng bakuna.
Kailangang igiit ang pagsasapubliko ng mga pananaliksik sa pagpapaunlad ng mga bakuna kontra sa Covid-19. Ito ay upang magkaroon ng matatag na batayan ang mga tao sa pagpili ng bakunang gusto nilang ipa-iniksyon sa kanilang katawan.
Dapat ipaglaban ng sambayanang Pilipino ang libreng pagbabakuna sa Covid-19. Kailangan igiit ang obligasyon ng estado na tiyaking mayroong libre at ligtas na bakuna para sa lahat ng nais magpabakuna. Ilantad at batikusin ang kakulangan sa badyet at ang korapsyon ng mga upisyal ng gubyerno sa mga sikretong negosasyon sa pagbili ng bakuna.
Kasabay nito, dapat patuloy na ipaglaban ang libreng testing at libreng pagpapagamot sa Covid-19. Dapat patuloy na itulak ng sambayanan ang pagpapalakas sa pampublikong sistemang pangkalusugan. Dapat itaas ang badyet para sa pagpapaunlad ng mga pampublikong ospital, pag-eempleyo ng mas maraming nars at manggagawang pangkalusugan at pagtataas ng kanilang sahod.
Ang pagbabakuna ay mahalagang bahagi ng pagkontrol sa pagkalat ng nakahahawang sakit. Maraming mga sakit ang napawi o nakontrol sa pamamagitan ng bakuna. Isa ito sa mahalagang siyentipikong sandata ng sangkatauhan.