Kampanyang rekrutment sa Bicol
Para ikampanya ang pagpapapultaym sa Bagong Hukbong Bayan, naging susi ang dedikasyon ng mga kagawad ng sangay ng Partido sa Baryo Higos sa Bicol.
Upang makatugon sa target na mag-ambag ng 10 bagong rekrut, itinakda sa bawat kagawad ng sangay ang pagrekomenda ng maaaring mapapultaym, pangunahin mula sa kabataan. Kabilang sa mga batayan ang edad, rekord ng pagkatao, pagiging kasapi ng organisasyon at inabot na edukasyon, mga magulang at kapamilya at kahandaan sa pagiging kasapi ng hukbo.
Tuluy-tuloy na pagpapaliwanag ang ginawa ng sangay sa mga interesadong sumapi sa hukbo. Halos araw-araw silang pinupuntahan sa kanilang bahay at kasabay na kinakausap ang pamilya. Tumutulong din sa produksyon ang sangay at doon lalong ipinauunawa sa kanila ang ugat ng kanilang paghihirap sa araw-araw. “Ipinaliliwanag namin na walang ibang solusyon sa krisis kundi ang pagkakaisa’t paglaban, at ang armadong porma nito ang pinakawasto at angkop,” sambit ni Ka Mario, isang kagawad ng sangay.
Liban sa mga pag-aaral sa loob ng mga organisasyong masa, binibigyan din ang mga target pasampahin ng pag-aaral sa Regulasyong Militar. Ipinauunawa sa kanila ang kahalagahan ng buong-panahong pagseserbisyo sa hukbo at kahandaang maitalaga saanman kakailanganin.
Resulta ng pagsisikap ng sangay, matagumpay na nakapagpapultaym ng pitong mandirigma ang Baryo Higos nitong nakaraang taon. Ilang kabataan ang nagpartaym din. “Mayroon pa kaming isang platun ng milisya na mapanggagalingan ng mga bagong rekrut,” dagdag ng kasama.
Kahit mga Pulang mandirigma na ang kanilang mga kababaryo ay pana-panahon pa rin silang kinukumusta ng sangay. Katuwang rin ang sangay sa pagbigay-atensyon sa mga alalahanin ng naiwang mga pamilya.
Motibasyon din sa mga nirerekrut ang nakikitang mahusay na halimbawa ng mga kagawad ng sangay. “Kung nais naming makapagpapultaym, dapat kumilos din kaming pultaym sa baryo. Natutunan naming tiyakin na maglaan ng panahon sa bawat araw upang bigyang atensyon ang mga problema, interes at pangangailangan ng aming mga kababaryo,” pagtatapos ni Ka Mario.