Mga berdugong sundalo sa Abra, inambus ng BHB
Inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Abra (Agustin Begnalen Command) ang mapang-abuso at berdugong mga sundalo ng 24th IB at 72nd Division Reconnaissance Company noong Enero 4 sa Barangay Pacgued, Malibcong, Abra. Siyam ang napaslang sa opensiba kabilang ang platun lider na si 2Lt. Zaldy D. Lapis, Jr..
Mabilis ang isinagawang sorpresang pag-atake ng yunit ng BHB sa mga sundalo. Isang buwang nanghalihaw at naglunsad ng nakapokus na operasyong militar sa mga komunidad ang naturang yunit. Inisnayp ng BHB ang rumespondeng helikopter na walang patumanggang nag-istraping sa naturang lugar. Nagpaulan ng 23 bomba ang Super Tucano Bomber Plane na nangwasak sa mga taniman ng magsasaka at kagubatan mula Enero 5 hanggang 7.
Talamak ang krimen ng 24th IB at 72nd DRC sa mamamayang Abreño. Kabilang dito ang pamamaril sa anim na kabataang nangingisda sa Barangay Lan-ag, Lacub noong Pebrero 2020. Nakaligtas ang mga biktima pero nagdulot ang pamamaril ng matinding takot sa mga residente. Isa sa mga biktima ang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan ng barangay. Pinalabas pa ng mga sundalo na mga kasapi umano ng BHB ang naturang mga kabataan. Liban dito, notoryus ang yunit sa pagnanakaw at pangraransak ng mga bahay ng sibilyan.
Mula 2018 hanggang 2019, walang tigil ang panggigipit at pananakot ng 24th IB sa mga kasapi at lider ng Kakailian Salakniban Tay Amin a Nagtaudan, lokal na balangay ng Cordillera People’s Alliance sa Abra.
Negros. Labing-tatlong sundalo ng 62nd IB ang napaslang sa pananambang ng isang yunit ng BHB-Central Negros noong Enero 10. Pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo sa Sityo Batong-buang, Barangay Trinidad, Guihulngan, Negros Oriental.
Higit isang linggo nang nananalasa ang operasyong militar ng 62nd IB sa komunidad. Pinasingungalingan ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng naturang yunit ng BHB, ang pahayag ng militar na may isa pang engkwentrong naganap noong hapon ng parehong araw. “Isa itong misengkwentro sa pagitan ng pwersa ng 62nd IB at mga CAFGU,” ayon pa sa kanya. Kontra-aksyon ang opensiba sa mga atake at panggigipit ng rehimeng Duterte sa mamamayang Negrense.
Albay. Tatlong maiiksing armas ang nasamsam ng BHB-Albay (Santos Binamera Command) sa pananambang nito sa 31st IB noong umaga ng Enero 17 sa Barangay Banquerohan, Legazpi City. Tatlong sundalo ang napatay.
Rizal. Dalawang beses na inambus ng BHB-Rizal ang isang platun ng pinagsanib na tropa ng 80th IB at Philippine National Police-Rizal sa Sityo Dapis, Barangay Puray, Rodriguez noong Enero 4. Isa ang napatay at maraming sugatan sa mga sundalo.
Panay. Tatlong armadong opensiba ang inilunsad ng mga Pulang mandirigma noong Disyembre 2020. Dalawang beses na inambus ng BHB-Capiz ang nag-ooperasyong tropa ng 12th IB sa Barangay Buri, Tapaz, Capiz noong Disyembre 9. Samantala, pinasabugan ng BHB-Iloilo ang mobil ng pulis sa Barangay Balicuas, Tubungan, Iloilo noong Disyembre 16. Isa ang napaslang at walo ang sugatang sundalo sa mga opensiba.