Pagtining ng krisis sa pulitika sa huling mga araw ni Trump

,

Sa ikalawang pagkakataon, si President Donald Trump ng US ay na-impeach sa Kongreso sa botohan noong Enero 12, walong araw bago siya palitan ni Joseph Biden sa White House. Si Trump ang pinakaunang presidente ng US na dalawang beses na na-impeach.

Pangunahing laman ng kasong impeachment laban kay Trump ang incitement to insurrection o pag-uudyok ng insureksyon. Batay ito sa ilang linggo na niyang pagkakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa eleksyong Nobyembre 2020 at sa kanyang talumpati sa isang rali noong Enero 6 na nagresulta sa mga “aktong marahas, mapangwasak at seditious (mapang-upat ng paglaban sa estado o awtoridad).” Tinutukoy dito ang bigong pagsalakay ng mga grupong maka-Trump sa nakaupong Kongreso ng US kung saan lima ang napatay at marami ang nasugatan.

Liban sa nabanggit na talumpati, laman din sa impeachment ang pagtatangka ni Trump na baligtarin ang resulta ng lokal na eleksyon sa Georgia. Una nang sinampahan ng impeachment si Trump noong Disyembre 2019, pero pinawalang-sala siya ng Senado noong Enero 2020.

Ang impeachment ay rurok ng krisis sa pulitika at ekonomya ng US na kinatatangian ng isa sa pinakamatinding krisis sa kalusugan, pagtindi ng krisis sa kabuhayan ng mamamayang Amerikano at pagtining ng kanilang disgusto sa kontra-imigrante, rasista at pasistang administrasyon ni Trump. 

Pagsalakay sa Capitol Hill

Noong Enero 6, sinalakay ng mahigit 2,000 tagasuporta ni Trump ang seremonyal na pagbibilang ng mga botong elektoral na isinasagawa ng mga kongresista at senador sa Capitol Hill (tawag sa kulumpon ng mga gusali kung saan ginaganap ang mga sesyon ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ng US). Ang pagbibilang ang huling hakbang para maideklara nang nanalo si Joseph Biden bilang ika-46 na presidente ng US.

Kulminasyon ang pagsalakay sa Kongreso sa mahigit dalawang buwan na pagtanggi ni Trump sa kanyang pagkatalo sa eleksyon. Paulit-ulit ang walang basehan niyang pagdedeklara na “landslide” ang kanyang pagkapanalo gayong napakalayo ang naging resulta ng bilangan. Lamang si Biden sa kanya ng 7 milyong boto sa pangkalahatang eleksyon. Malayo rin ang panalo ni Biden sa botong elektoral—306 sa kanyang 232.

Ilang oras bago nila pasukin ang Kongreso, inudyukan ni Trump ang kanyang mga tagasuporta na “magmartsa tungong Kongreso” para “itigil ang pagnanakaw” ng eleksyon. Ilan sa kanila ay armado at nagbalak na “dakpin” ang aabutan nilang pinangalanan ni Trump na mga “traydor sa demokrasya.”

Sa loob ng Kongreso, 100 kongresista at 13 na senador ang nagbalak na kwestyunin ang mga resulta ng boto. Iniimbestigahan ngayon sa US ang naging papel ng mga kapartido ni Trump na senador at kongresista sa planado na pananalakay.

Patalsikin sa anumang paraan

Itinuloy ang pag-impeach kay Trump sa Kongreso matapos tumanggi si Vice President Pence na tanggalin siya sa pwesto gamit ang Amendment 25 ng Konstitusyong US. Pinahihintulutan ng probisyong ito na tanggalin ng mga myembro ng gabinete ang nakaupong presidente, sa tulong ng Kongreso, at palitan siya ng kanyang bise.

Ayon sa mga Democrat, mahalagang ma-impeach si Trump para magsilbi itong halimbawa para sa susunod na mga kaso at para pagbawalan siyang tumakbo sa 2024 sa anumang pwesto sa gubyerno. Pinagdedebatehan pa kung ang kaso laban kay Trump ay lilitisin sa bagong uupong senado.

Sa pagtatapos ng kanyang termino, isa-isa nang dumistansya ang mga upisyal, negosyante at ibang mga kapartido ni Trump sa kanyang administrasyon. Marami nang myembro ng kanyang gabinete ang nagbitiw sa pwesto.

Marami nang mga kumpanya ang nag-atras ng kanilang mga donasyon sa partidong Republican. Bago pa man nito, isinara na ng mga higanteng kumpanyang social media (Facebook, Twitter at Instagram) ang mga account ni Trump na matagal na niyang ginagamit para sulsulan ang kanyang mga tagasuporta at magkalat ng disimpormasyon.

Noong umaga ng Enero 20, hatinggabi sa Pilipinas, sumumpa na bilang ika-46 na presidente ng US si Biden, at natapos na ang paghahari ni Trump.

Pagtining ng krisis sa pulitika sa huling mga araw ni Trump