13 taktikal na opensiba sa 4 na prubinsya

,

Sa loob ng dalawang linggo, naglunsad ng 13 aksyong militar ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa nag-ooperasyong mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga prubinsya ng Bukidnon, Surigao del Norte, Abra at Negros Oriental. Walo sa mga ito ay inilunsad sa Bukidnon.

Bukidnon. Magkasabay na inatake ng mga yunit ng BHB ang mga detatsment ng militar sa Kipulot, Barangay Palacapao at Barangay Butong, Quezon noong Enero 20. Sorpresang atake naman ang isinagawa ng BHB sa kampo ng Philippine Army (PA) sa Barangay Minungan noong Enero 26.

Hatinggabi ng Enero 27 at tanghali ng Enero 29, inatake ng mga yunit ng BHB ang tropa ng PA sa Butay Simong, Barangay Namnam, San Fernando at Buko, Barangay Banlag, Valencia City.

Inisnayp ng isa pang yunit ng BHB ang mga sundalo na nakaistasyon sa Saluringan, Barangay Canangaan, Cabanglasan noong Enero 30. Kinabukasan, pinasabugan ng BHB ang rumespondeng mga sundalo.

Noong Enero 25, pinaralisa ng BHB ang anim na kagamitan ng Ulticon Builders Incorporated na tinatayang nagkakahalaga ng ₱9 milyon. Notoryus ang kumpanya sa mababang pagpapasahod sa mga manggagawa at mga pang-aabuso sa mga magsasaka.

Labindalawang sundalo ang napaslang sa mga opensiba habang walo ang nasugatan.

Surigao del Norte. Umaga ng Enero 28, pinaputukan ng isang yunit ng BHB-Surigao del Norte ang istasyon ng Philippine National Police-Sison sa Barangay San Pablo ng naturang bayan. Pagkatapos ng dalawang oras, inisnayp ng isa pang yunit ng BHB ang rumerespondeng mga sundalo ng 29th IB sa Barangay Tinogpahan.

Kinahapunan, pinasabugan ng BHB ang mobil ng pulis na nagbabantay sa pag-atras ng mga Pulang mandirigma sa Barangay San Pablo.

Abra. Inisnayp ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong yunit ng 72nd DRC noong Enero 22 sa hangganan ng Tubo, Abra at Besao, Mt. Province. Dalawa ang naitalang kaswalti sa mga sundalo. Pangatlong opensiba ito ng BHB-Abra (Agustin Begnalen Command) noong buwan ng Enero.

Bilang ganti, hindi bababa sa 14 bomba ang ihinulog ng AFP sa lugar noong Enero 24 at 25. Pininsala nito ang mga sakahan, pastulan at gubat kung saan nangangaso ang mga katutubong Maeng at Agawa.

Negros Oriental. Inambus ng isang yunit ng BHB-Central Negros ang isang aktibong elemento at ahente sa paniktik ng CAFGU Active Auxiliary sa Barangay Luz, Guihulngan City. Isinagawa ang operasyon noong Enero 28.

13 taktikal na opensiba sa 4 na prubinsya