5 magsasaka, pinatay ng mga ahente ng estado
Limang magsasakang nakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa ang pinatay ng mga elemento ng estado sa nakaraang dalawang linggo.
Isa rito si Antonio Arellano, tagapangulo ng Paghiliusa sa Mangunguma sa Binabono, isa sa mga nagpetisyon laban sa Anti-Terrorism Law (ATL). Pinatay siya sa Barangay Jonob-jonob, Escalante CIty sa Negros Occidental kasabay ng unang araw ng pagdinig ng kaso sa Korte Suprema noong Pebrero 2. Kaalyadong organisasyon ang Paghiliusa ng National Federation of Sugar Workers, isa sa pinakamadalas i-red-tag ng militar sa Negros.
Patay din ang magsasakang si Rommy Torres, isa sa mga lumabalan sa pang-aagaw ng lupa ng pamilyang Villar sa Norzagaray, Bulacan. Dinukot siya noong Pebrero 3 sa Barangay San Mateo sa naturang bayan pero sa Laguna na natagpuan ang kanyang bangkay noong Pebrero 5.
Noong Enero 21, binaril at pinatay si Vernel Mondreal sa hangganan ng mga barangay na Salvacion at Igdalaquit sa Sibalom, Antique. Tagakoordina si Mondreal ng Igpanolong Human Rights Desk.
Sa Sorsogon, pinatay ng mga pulis at sundalo ng 31st IB si Michael Bagasala sa San Antonio, Barcelona noong Enero 24. May bakas ng tortyur ang kanyang bangkay. Ayon sa mga saksi, tinortyur ng militar si Bagasala bago siya pinatay.
Pinatay din ng mga pulis si Noel Degamon, Jr. noong Enero 29 sa Barangay Luna, Surigao City. Parehong dating Pulang mandirigma na sumurender pero hindi nakipagmabutihan sa militar sina Bagasala at Degamon.
Iligal na pag-aresto. Hindi makatarungang inaresto ang mga magsasakang sina Virgilio dela Cruz, Jerry Ramos at Herminio Ramos sa Barangay Villaflor, Cauayan, Isabela noong Enero 23. Tinamnan ng ebidensya ang kanilang bahay para magkaroon ng batayan ng pang-aaresto. Pinararatangan silang mga myembro ng hukbong bayan.
Sa rehiyon ng Caraga, magkakasunod ang iligal na pag-aresto noong Pebrero 6 sa mga lider-masa na sina Gina Tutor ng Gabriela, Greco Regala ng Pamalakaya-Agusan del Norte at Isaias Ginorga ng Piston.
Panununog. Sinunog ng mga maton ng pamilyang Yulo ang dalawang bahay ng mga magsasaka noong Enero 23 sa Buntog, Barangay Canlubang, Calamba, Laguna. Makalipas ang tatlong araw, bumalik ang mga maton at binugbog ang anim na magsasaka. Pinagbantaan din nila ang mga residente ng sityo na papatayin kung patuloy na lumaban sa planong pagpapalit-gamit ng lupa.
Panggigipit. Dinumog at hinalughog ng 60 elemento ng 2nd IB ang mga bahay ng mga residente ng Barangay Madao, Uson, Masbate noong Pebrero 1. Liban sa pananakot, ninakawan din ng mga sundalo ang pamilya ni Enrique Tumampil, lider ng Kilusang Magbubukid ng Masbate.