Ano ang aasahan sa bagong presidente ng US?
Nagpalit ng hepe ang estado ng imperyalistang US noong Enero 20. Nanumpa si Jospeh Biden bilang ika-46 na presidente ng US at si Kamala Harris bilang kanyang bise-presidente sa gitna ng rumaragasang krisis sa ekonomya, pulitika at kalusugan ng bansa.
Tulad ng mga nauna sa kanya, itinataguyod ni Biden ang “pamumuno ng US sa buong mundo” na walang iba kundi ang imperyalistang hegemonya nito sa daigdig. Gayunpaman, nahaharap siya sa papalaking hamon ng multipolar na mundo kung saan lumalakas ang Russia at China bilang karibal na mga imperyalistang sentro, dagdag sa dati nang mga kapitalistang kumpetisyon sa Europe.
Nahaharap din si Biden sa papatinding paglaban ng mga manggagawang Amerikano na aktibong nagtatanggol sa kanilang mga karapatan sa ekonomya at pulitika. Malakas ang presyur sa kanya na tupdin ang kanyang mga ipinangako at dinggin ang hinaing para sa trabaho, dagdag-sahod, mas maaayos na kundisyon sa paggawa at serbisyong sosyal, gayundin ang hustisyang nakabatay sa pananagutan at pagtigil ng rasismo, kawalang pagpaparaya, brutalidad ng pulis at militarisasyon ng institusyon nito.
Sino si Joseph Biden?
Si Joseph Biden, 76, ay beterano sa pulitika na myembro ng Democratic Party ng US. Una siyang nagtangkang tumakbo sa pagka-presidente noong 1988 pero napilitang umatras matapos mapatunayang di totoo ang ilan sa ipinagmalaki niyang detalye sa buhay. Tumakbo, nanalo at nagsilbi siyang bise-presidente ni Barack Obama mula 2009 hanggang 2017. Bago nito, senador siya ng estado (katumbas ng rehiyon) ng Delaware mula 1973 hanggang 2009.
Kilala si Biden sa kanyang paninindigang “kiling sa Kanan” sa loob ng kanyang partido. Siya ang pangunahin at pinakamasugid na Democrat na tagapagtaguyod ng gerang agresyon ng US sa Afghanistan at Iraq noong pinuno siya ng komite sa ugnayang panlabas sa Senado. Sa kalaunan ay inatras niya ang kanyang suporta sa mga gerang ito, pero hindi siya sumuporta sa panawagang pauwiin ang mga tropang Amerikano. Pinangasiwaan niya ang “rekonstruksyon” sa Iraq sa ilalim ng administrasyon ni Obama. Sinuportahan niya ang gerang agresyon nito sa Libya at ang pag-aarmas sa mga rebeldeng grupong kontra-Assad sa Syria.
May rekord siya ng rasismo bilang senador ng Delaware na aktibong lumaban sa pagsasabatas ng mga patakaran para sa integrasyon ng mga Itim at puting estudyante noong dekada 1970.
Paunang mga hakbang
Sa kanyang mga unang araw bilang presidente, pinirmahan ni Biden ang 30 kautusan para baliktarin ang pinakamasasahol na patakarang pasista, kontra-migrante at pabor sa mga kaibigang kapitalista ng sinundan niyang presidente na si Donald Trump. Kabilang dito ang pagpapatigil ng konstruksyon ng pader sa hangganan ng US at Mexico at pagbasura sa patakarang nagbabawal sa pagpasok ng mamamayan mula sa ilang bansang Muslim. Nagpataw din siya ng mas mahihigpit na patakarang kontra-Covid-19 at itinuloy ang pag-ayuda sa naghihirap na Amerikano, tulad ng una nang ginawa ni Trump. May mga utos siyang pumapatungkol sa pag-agapay sa pagbabago ng klima at pagprayoridad rito sa mga patakaran ng bansa.
Gayunpaman, nakikitang kulang ang ilang kautusan, tulad ng pagsuspinde lamang at hindi tahasang pagpatawad ng utang ng mga estudyante. Sinuspinde niya ang pagbibigay ng bagong mga permit ng pagmimina ng langis, pero tuloy lamang ang mga operasyon ng 10,000 dati nang pinahintulutang mga kumpanya.
Patakarang panlabas
Itataguyod ni Biden ang pamamayagpag ng militar ng US sa South China Sea bilang direktang panangga sa ekspansyunistang mga hangarin ng China. Ang hinirang niyang mga upisyal para sa ugnayan panlabas, komersyo at paniktik ay puro kilala sa pagiging agresibo sa pakikitungo sa China.
Sa inisyal na mga pahayag ng mga upisyal na ito, lalo ring magiging agresibo ang administrasyon ni Biden sa panghihimasok sa Syria, Iran at Turkey sa ngalan ng “pagbabago ng rehimen.” Wala ring magbabago sa pakikitungo nito sa Israel at hindi nito ililipat ang embahada ng US na nasa teritoryong iligal nitong inokupa sa Jerusalem. Patuloy din itong magiging “kontra” sa Cuba, Venezuela at North Korea. Ang mga patakarang ito ay hindi bago at pagpapatuloy lamang sa mga patakarang una nang itinaguyod ni Biden bilang bise-presidente ng administrasyong Obama.