Dagdag-sahod, kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa
Hindi makaagapay ang antas ng sahod ng kalakhan ng mga manggagawa sa bilis ng pagtaas ng mga presyo ng mga batayang pangangailangan. Mula pa noong nakaraang taon pumaimbulog ang presyo ng pagkain nang hanggang 77% (karne) ngayong Enero. Pinabilis nito ang tantos ng implasyon tungong 3.5% noong Disyembre, pinakamataas sa nakaraang 21 buwan. Dulot nito, bumabagsak ang tunay na halaga ng sahod nang halos 20%. Sa Metro Manila, halimbawa, ang ₱537 minimum na arawang sahod ay may tunay na halaga na lamang na ₱434, sapat lamang para makabili ng isang kilong baboy.
Sa harap nito, nagiging mas kagyat ang pangangailangan para taasan ang sahod ng mga manggagawa. Tinatayang nasa ₱346 lamang ang abereyds na minimum na sahod sa buong bansa. Napakalayo nito sa nakabubuhay na sahod na ₱1,057 kada araw para sa isang pamilyang may limang myembro. Kulang na kulang ito para tustusan ang pagkain, kasabay ng mga bayarin sa kuryente at tubig, renta at gastos sa edukasyon.
Kumpara sa mga manggagawa sa industriya at serbisyo, mas mababa pa ang tinatanggap ng mga manggagawa sa agrikultura. Malalaki rin ang agwat ng mga sahod kada rehiyon at prubinsya laluna matapos ipatupad ang iskema ng 2-andanang pagpapasahod.
Sa halip na agapan, binigyan-laya pa ng rehimen, sa pamamagitan ng isang kautusan ng ahensya ng paggawa, na bawasan ng mga kapitalista ang sahod ng kanilang mga manggagawa gamit ang pandemya. Mas mababa rin ang sahod na ibinibigay ng mga kapitalista sa mga manggagawang nakapailalim sa mga kaayusang work-from-home. Sa tantya ng National Economic and Development Authority, bumagsak ng abereyds na ₱23,000 ang kita ng kada manggagawa dulot ng tahasang pagkaltas sa sahod, pwersahang pagpabakasyon at pagkawala ng mga trabaho noong nakaraang taon.
Noon pang 2018 nakabimbin sa reaksyunaryong Kongreso ang National Minimum Wage Bill ng blokeng Makabayan na nagtutulak para sa ₱750 pambansang minimum na sahod. Ipinapanukala rin ng naturang batas ang pagbuwag sa mga Regional Wage Board na kinakasangkapan ng mga kapitalista para magtakda ng mas mababang sahod sa mga rehiyon.
Ipinanawagan din ng mga manggagawa at mga progresibong mambabatas na bigyan ng ₱10,000 ayuda ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng mga lockdown.
Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, si Rodrigo Duterte ang pinakakuripot sa lahat ng nagdaang mga pangulo ng Pilipinas sa usapin ng pagtataas sa sahod. Sa ilalim ng kanyang rehimen, dalawang beses lamang na itinaas ang sahod sa pambansang kabisera, una noong 2017 at huli noong 2018. Sa abereyds, nagpatupad ang reaksyunaryong estado mula sa panahon ng rehimen ni Corazon Aquino ng dagdag-sahod kada 13 buwan. Sa ilalim ni Duterte, 29 buwan nang walang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa NCR. Sa kabuuan, kakarampot lamang ang itinaas ng sahod (9.4%) sa ilalim ni Duterte kung ikukumpara sa abereyds na itinaas nito (24%) sa ilalim ng nagdaang mga rehimen.