Hukbo ng mamamayan
Matagal nang hindi nakakita ng “hukbo” (kolokyal na tawag sa mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan) si Ka Rolly mula nang tumira ang kanyang pamilya sa liblib na bahagi ng kabundukan. Dati siyang nagsasaka sa patag pero umatras ang kanyang pamilya sa mas mataas na lugar, kasama ng buong komunidad, para iwasan ang mga sundalong naglulunsad noon ng Oplan Habol Tamaraw sa panahon ng berdugong si Jovito Palparan.
Nang mabalitaan niyang nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga “hukbo” at militar sa karatig baryo, agad siyang pumunta sa gilid ng isang sapa kung saan tantya niyang dadaan ang mga kasama. Kasama ang kanyang mga anak, dalawang araw nilang inabangan ang yunit ng BHB. May dala silang handang pagkain at matamang binantayan ang lugar.
“Ito ang tungkulin na ibinigay sa akin ng mga kasama dati-dati pa,” aniya. Kahit matagal na siyang hindi nakakausap o nabibisita, ginampanan niya ang tungkuling ikubli at itaguyod ang yunit ng hukbo sa panahon ng pag-atake ng kaaway. Simpleng kamote at saging ang inihanda niyang pagkain.
Nang dumaan ang yunit, hinanap niya ang dati niyang mga kakilala. “Marami nang bagong mukha,” aniya. Nabalitaan niyang inilipat na sa ibang mga erya ang dating nakatalaga sa erya. Gayunpaman, maiinit pa rin niyang sinalubong ang mga noon lamang niya nakilala. Umaasa siyang balang-araw, makikita niya ulit ang dating mga nakasama.
Laking pasasalamat ng mga Pulang mandirigma kay Ka Rolly sa pagsalo ng kanilang platun na tatlong araw nang nagsisikap na makalabas sa kahon ng operasyon ng kaaway. Ibinukas niya ang kanyang sagingan sa mga kasama para kanilang pagpahingahan. Matapos ang tatlong araw, nagpasya ang mga kasamang lumakad na. Sinamahan sila ni Ka Rolly hanggang maihatid sila sa iba pang masang naghihintay ding muling makasama ang BHB.