Ilantad at labanan ang mga proyektong pantapal ng NTF-ELCAC
Sinimulan nang ilarga ng rehimeng Duterte ang pagpapatupad ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ang mga programang ito ay mga hakbanging pampasiklab para likhain ang ilusyon na may dalang “kaunlaran” ang Armed Forces of the Philippines (AFP) pero katunayan ay lalong magsasadlak sa masa sa hirap at pang-aapi.
Ilang linggo ang nakaraan, ipinagmalaki ng NTF-ELCAC na inirelis na nito ang ₱20 milyon bawat isa sa 215 barangay sa Region 11 na makatatanggap diumano ng BDP. Ang ₱4.3 bilyon na ginamit dito ay bahagi ng ₱16.4 bilyon na pondo ng BDP sa ilalim ng 2021 na badyet ni Duterte kung saan tinukoy ang 822 barangay na diumano’y wala nang NPA.
Ang ₱20 milyon kada barangay ay hahatiin sa ₱12 milyon para sa mga kalsadang “farm-to-market;” ₱3 milyon para sa pagtatayo ng eskwelahan; ₱2 milyon para sa patubig at kalinisan; ₱1.5 milyon para sa reporestasyon; at ₱1.5 milyon para sa istasyong pangkalusugan. Pangsilaw sa masa ang mga proyektong pang-imprastrukturang ito para isipin nilang magkakaroon ng pagbabago sa kanilang lugar.
Anong buti ang ihahatid sa masang magsasaka ng mga kalsada na diumano’y magpapadali sa paghahatid ng produkto sa palengke kung kinakamkam naman ng mga panginoong maylupa ang kanilang ani; o kung binabarat sila ng mga komersyante? Anong buti ng itatayong eskwelahan o klinik kung wala namang titser o duktor? Ano ang reporestasyon kung ang itatanim ay mga komersyal na kahoy na pakikinabangan lang din ng malalaking kapitalista?
Pantapal lamang ang mga ito sa pang-ibabaw na mga problema ng masa. Walang sumasagot sa saligang problema ng masa sa kanayunan: ang kawalan ng sariling pag-aaring lupa. Ito ang na pinagmumulan ng kanilang hirap at aping kalagayan. Ito ang dahilan ng dinaranas nilang pagsasamantala at pang-aapi at kung bakit sila patuloy na sumusuporta at lumalahok sa armadong pakikibaka.
Sinong makikinabang sa mga proyektong ito kundi ang mga kontratista at lokal na burukrata at upisyal na silang hahawak ng pondo sa mga proyektong imprastruktura? Hindi ito naiiba sa pork barrel na ginagamit ng mga kongresista para sa pagpapagawa ng kalsada o mga waiting shed sa mga paborito nilang barangay. Ang BDP ay pork barrel ng militar, pansuhol sa mga lokal na upisyal at pansuporta sa mga paborito nilang upisyal. Katulad ng maanomalyang mga proyekto ng mga kongresista, tiyak na tatadtarin rin ng anomalya ang BDP.
Ang BDP ay isang malaking proyektong pangsaywar. Nais ng AFP at NTF-ELCAC na palabasing inaatupag ng militar ang usapin ng kaunlaran, edukasyon, kalusugan at iba pa. Pinalalabas ng AFP na sa pamamagitan ng BDP, makukuha nila ang puso at isip ng masa upang hindi na sila bumalik sa pagsuporta sa BHB.
Pinagtatakpan ng BDP ang madugong gera ng AFP laban sa masang magsasaka at Lumad sa kanayunan. Tinatabingan nito ang walang-lubay at walang-habas na kampanya ng mga pagpatay, pag-aresto, intimidasyon at pananakot, panggigipit, red-tagging at pamimilit sa mamamayan na “sumurender.” Kinakatuwang ng BDP ang Retooled Community Support Program (RCSP) ng AFP kung saan ipinapakat ang mga sundalo ng AFP sa mga komunidad na nagpapataw ng ala-garison na mga paghihigpit laban sa masa.
Sa paghahabol na makakuha ng pondo sa ilalim ng BDP, lalong titindi ang maruming gera ng AFP laban sa masa. Naghahabol ang militar na maparami ang mga baryong paluluhurin nila sa kanilang kapangyarihan. Lalong magiging malupit ang pasistang paninibasib sa mga baryo sa desperasyong ihiwalay ang masa sa kanilang hukbo, at maideklarang “malinis” ang barangay. Lalong darami ang kaso ng pamimilit sa masa na “magsurender” at magpagamit sa militar. Lalo ngayong nagiging malupit ang mga kaso na ibinabaling ng militar ang kanilang galit at paghihiganti sa masa sa baryo tuwing may matagumpay na taktikal na opensiba ang NPA.
Pero ang pinakamakikinabang sa mga proyektong ito ay ang malalaking kumpanyang dayuhan at malalaking burges kumprador na naglalaway na makapasok sa mga liblib na lugar sa kanayunan. Kalakhan o 75.54% (₱12.42 bilyon) ng pondo ng BDP ay mapupunta sa Mindanao kung saan nakakonsentra ang malalawak na plantasyon, pagmimina at mga proyektong pang-enerhiya na sumasakop sa daan-daan libong ektaryang lupain. Pinalalayas nila ang masang magsasaka at masang Lumad mula sa kanilang sinasakang lupa at lupang ninuno. Layunin ng paglalaan ng pinakamalaking pondo para sa mga kalsada ang pagtiyak na mapadali ang paghakot ng mga mineral na iluluwas sa ibang bansa, ng palm oil, saging, pinya at iba pang mga tanim na pang-eksport.
Dapat ubos-kayang ilantad at labanan ng masang magsasaka at mga katutubong minorya ang BDP na mga proyektong hindi sagot sa kanilang tunay na hinaing.
Dapat tulungan ang masa sa kanayunan na igiit ang kanilang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at mga kahilingan para ibaba ang upa, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid at makatwirang presyo sa kanilang mga produkto. Katuwang ng masang magsasaka, dapat paigtingin ng masang minorya ang pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno.
Dapat puspusan ding ilantad ang korapsyon ng mga upisyal militar kakutsaba ang mga lokal na upisyal at mga kontraktor, na nagbubulsa ng milyun-milyong piso sa mga proyektong ito. Hikayatin ang mga lokal na upisyal sa barangay na tutulan ang ibinibigay na suhol sa kanila ng mga upisyal ng militar kapalit ng pagsuporta sa mga proyekto ng BDP.
Dapat labanan ang patuloy na paggagarison at pandarahas ng militar sa kanilang mga baryo para supilin ang masa at bigyan-daan ang malalaking kapitalistang nais sumakop sa kanilang lupa, dambungin ang likas na yaman at wasakin ang kapaligiran.