Konsolidasyon ng baseng masa sa Cagayan Valley: Tatag sa pundasyon ng rebolusyong agraryo

,

Matatag ang suporta ng masang magsasaka ng Cagayan Valley sa hukbong bayan sa gitna ng mga operasyong kombat at saywar. “Talagang matitibay ang mga tao rito,” ang hindi maiwasang kongklusyon ng mga sundalong paulit-ulit nang naglunsad ng Retooled Community Support Program sa isang baryo sa rehiyon.

Susi ang paglulunsad ng rebolusyong agraryo sa naging mabilis na pagpapalawak at konsolidasyon ng mga organisasyong masa, ayon sa mga kasama. Nailunsad sa rehiyon ang kampanyang anti-usura, pagtataas ng sahod at pagpigil sa pangangamkam ng lupa sa nakaraang taon.

Rebolusyong agraryo

Sa isang baryo, kinumpronta ng 140 magsasaka ang isang usurero na tuluy-tuloy na naniningil ng interes sa utang sa kabila ng krisis na dulot ng pandemya at magkakasunod na bagyo sa rehiyon. Kapag hindi sila makabayad nang buo sa itinakdang panahon, sinisingil sila ng usurero nang 100% interes ng pautang.

Tampok ang kaso ng isang magsasaka na umutang ng ₱51,700 na siningil ng usurero ng ₱358,500. Hindi agad na nabayaran ang utang dahil sa pagkasira ng mga pananim.

Dahil sa kumprontasyon, nagawang ipabura ng mga magsasaka ang balanseng utang ng mga matagal nang nakabayad ng prinsipal. Ang mga hindi pa nakapagbayad ay magbibigay na lamang ng prinsipal na utang at interes na katumbas ng isang anihan.

Sa isa pang baryo, napataas ng mga manggagawang bukid sa isang erya ang kanilang sahod mula ₱150 tungong ₱250 kada araw. Itinakda rin sa kumprontasyon ang oras ng pagsisimula ng trabaho at pagbibigay ng libreng pananghalian. Ipinagbawal din ng mga magsasaka ang pagpapainom ng nagpapatrabaho kada hapon dahil nagdudulot ito ng gulo sa loob ng baryo.

Sa dalawa namang baryo, inilunsad ng mga maralitang magsasaka ang isang kampanya para ipatigil ang planong pagpapalawak ng lupa ng mayayamang magsasaka.

Pagtatayo ng KRB

Patuloy na napalalawak ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa rehiyon. Noong 2020, tumaas nang 25% ang bilang ng naitayong mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo (KRB).

Sa isang baryo, 100 magsasaka, kabataan, at panggitnang pwersa ang nagtipon para sa itatatag na KRB sa kanilang klaster. Tiniyak ng sangay ng Partido sa lokalidad ang pagdalo ng masa sa mabilisang ipinatawag na pagtitipon. Inilunsad ang pulong-pagtatatag pagkatapos umalis ang mga sundalong naglunsad ng nakapokus na operasyong kombat ng militar sa naturang klaster.

Matagal nang balak ng mga magsasaka na magtayo ng kanilang sariling gubyerno sa baryo, ngunit ngayon lamang nabigyan ng pagkakataon para isakatuparan ito. Naghalal ng mga upisyal ng KRB ang mga delegado at binuo ang isang taong programa ng KRB. Pinag-usapan din ang pagpapasampa sa hukbong bayan.

May dalawa pang KRB na magkasunod na naitatag sa kalapit na mga klaster ng mga barangay.

Mga opensibang militar

Inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Cagayan Valley ang may 20 armadong aksyon laban sa pasistang tropa ng kaaway noong nakaraang taon. Tinatayang 55 o katumbas sa dalawang platun ang napinsala sa kaaway.

Pinakahuli sa mga aksyong ito ang pagpapasabog ng eksplosibo ng BHB-East Cagayan sa nag-ooperasyong yunit ng 77th IB sa Mabuno, Gattaran, Cagayan. Anim ang napaslang sa opensiba sa mismong araw ng ika-52 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ayon sa ulat ng kumand ng BHB sa rehiyon, lumaki ang kabuuang pwersa ng BHB nang 45%-55% sa buong 2020. Pinasinungalingan ng BHB ang “pagsurender” ng umano’y mga kasapi at tagasuporta ng BHB sa rehiyon. Kabilang dito ang huling bats ng mga surenderi sa Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan noong Enero 28. Anang BHB, sila ay mga sibilyang magsasaka na pinilit at tinakot.

Iniulat ng rehiyon ang paglaki nang 15% sa bilang ng mga bagong kasapi ng Partido. Nakapaglunsad din ng mga rebolusyonaryong pag-aaral mula sa Abanteng Kurso, Intermedyang Kurso at mga bats ng Batayang Kurso ng Partido sa buong taon.

Ang artikulong ito ay halaw sa isyung Oktubre-Disyembre 2020 ng pahayagang Baringkuas, rebolusyonaryong pahayagang pangmasa ng rehiyon ng Hilagang-Silangang Luzon.

Konsolidasyon ng baseng masa sa Cagayan Valley: Tatag sa pundasyon ng rebolusyong agraryo