Libu-libong manggagagawa, matatanggal ngayong unang kwarto

,

Libu-libong manggagawang Pilipino ang nakatakdang mawalan ng trabaho ngayong Pebrero-Marso matapos na magdeklara ang tatlong kumpanya ng planong magbawas ng empleyado o di kaya’y magsara dulot ng pagkalugi.

Noong Pebrero 2, inanunsyo ng Philippine Airlines na magtatanggal ito ng 2,300 manggagawa dulot ng pagbagsak ng bilang ng mga nagbibyahe sa loob at labas ng bansa. Tinatayang 30% ito ng kabuuang lakas paggawa ng kumpanya. Sa taya ng rehimen, nawalan ng ₱400 bilyon noong 2020 ang industriya ng byahe at turismo nitong nagdaang taon.

Bago nito, nag-anunsyo rin ang Makati Shangri-la Hotel ng pansamantalang pagsasara simula Pebrero 1. Hindi pa isinasapubliko ng kumpanya kung ilang manggagawa ang tatanggalin nito.

Magsasara rin ang pabrika ng Nissan Motors (nagmamanupaktura ng sasakyan) sa Laguna alinsunod sa mga plano nitong magbawas ng pandaigdigang produksyon noon pang 2019. Dati nang mababa ang demand para sa mga kotse bago pa ang pandemya, at lalupa itong bumagsak noong nakaraang taon.

Dagdag ang mga manggagawang ito sa tinatayang 5.79 milyong Pilipinong nawalan ng trabaho dulot ng mga restriksyon sa lockdown noong 2020. Kumitid ang ekonomya ng bansa nang 9.5% sa buong 2020 dulot nito. Pinakamalala ang pagbagsak na ito mula pa 1946 o pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa kabila ng hirap na dinaranas ng mga nawalan ng trabaho, walang programa ang rehimen para ayudahan sila. Wala silang aasahang subsidyo dahil ibinasura ng rehimen ang panukala ng Department of Labor and Employment na maglaan ng kakarampot na ₱20 bilyong minimum na subsidyo para sa kanila sa pambansang badyet.

Libu-libong manggagagawa, matatanggal ngayong unang kwarto