Myanmar, balik sa paghaharing militar

,

Nagkudeta ang militar ng Myanmar (dating Burma) noong Pebrero 1 para patalsikin sa pwesto ang halal na mga upisyal ng bansa. Inaresto at idinetine ng Tatmadaw, tawag sa armadong pwersa rito, si Aung San Suu Kyi, ang kinikilalang lider ng sibilyang burukrasya at iba pang matataas na upisyal. Nakatakdang buksan noong araw na iyon ang bagong halal na parlamento.

Idinahilan ng Tatmadaw ang walang basehang paratang na nagkaroon ng malawakang dayaan sa eleksyon kung saan nilampaso ng partido ni Suu Kyi ang prenteng partido ng militar. Pinabulaanan ang paratang na ito ng mga independyenteng tagamasid at ng komisyon sa eleksyon ng bansa.

Sa kudetang ito, muling napatunayan ang mahigpit na kontrol ng militar sa estado ng Myanmar na hindi nadaig ni Suu Kyi. Mahigpit na kinundena ng United Nations at maraming bansa ang kudeta. Sa loob ng Myanmar, ilan nang protesta ang inilunsad ng mga tagasuporta ni Suu Kyi.

Myanmar, balik sa paghaharing militar