Pagdinig sa Korte Suprema laban sa ATL, nagsimula na

,

Nagsimula na noong Pebrero 2 ang pagdinig sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Law o ATL. Pitong abugado na kumakatawan sa 37 petisyon ang humarap dito. Sa labas ng korte, tinatayang 500 ang nagtipon para suportahan sila.

Para padulasin ang pagdinig, inutos ng korte noong nakaraang taon na pagsamahin ang 37 petisyon. Bilang pagtalima, binungkos sa anim na klaster ang mga probisyong kinukwestyon ng mga petisyuner.

Kinatatampukan ang anim na klaster ng sumusunod: 1) pagtatakda na may lehitimong dahilan ang mga isinampang mga petisyon sa Korte Suprema; 2) paghamon sa pagiging konstitusyunal ng batas, partikular ang sobrang malabo o masaklaw na depinisyon nito ng “terorismo;” 3) pagpapatunay na di konstitusyunal ang mga kapangyarihang ibinigay sa binuong Anti-Terrorism Council; 4) pagkontra sa depinisyon at pagparusa sa pagbabantang magsagawa ng terorismo dahil hindi ito naaayon sa mga batas na nagbabawal sa pagparusa sa mga kasong hindi pa itinuturing na kriminal nang isagawa; 5) pagkontra sa pagpapahaba ng detensyon dahil labag ito sa konstitusyon, lokal na batas at internasyunal na mga alituntunin; at 6) pagkontra sa pagtanggal ng probisyon para sa pagbibigay ng angkop na danyos sa mga biktima ng tortyur at ibang katulad na paglabag sa nakatakdang mga proseso.

Sa unang araw ng pagdinig, tumampok ang tanong kung tama bang sa Korte Suprema isinampa ang kaso nang walang pang aktwal na kasong naisampa kaugnay dito. Bilang tugon, binanggit ng mga petisyuner ang daan-daan nang kaso ng red-tagging at ang kaakibat na panggigipit at pamamaslang.

Sa umaga rin ng araw na iyon, isinampa sa Korte Suprema ang kaso ng dalawang Aeta para hingin ang pansamantalang pagpapatigil sa implementasyon (TRO o temporary restraining order) ng batas. Ang dalawang katutubo ang unang inaresto, tinortyur at sinampahan ng gawa-gawang kaso sa ilalim ng ATL.

Maayos na nailatag ng mga abugado ang mayor na mga argumento. Nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig sa Pebrero 9.

Pagdinig sa Korte Suprema laban sa ATL, nagsimula na