Pagpupursige ng BHB sa harap ng paghaharing teror ng AFP sa Southern Tagalog
Tuluy-tuloy ang paghahasik ng teror ng 2nd ID sa Southern Tagalog (ST) pagpasok ng 2021. Hindi bababa sa 25 bayan sa limang prubinsya ang saklaw ngayon ng mga nakapokus na operasyong militar at mga operasyong Retooled Community Support Program (RCSP). Isa ang ST sa walong rehiyong prayoridad ng rehimen sa kontra-insurhensyang gera nito.
Inilulunsad ang mga kampanyang militar sa pamumuno ni Gen. Antonio Parlade, Jr., nangungunang anti-komunistang troll at hepe ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines. Ito ay sa gitna ng pananalasa ng pandemya at mga bagyo na humambalos sa rehiyon noong huling kwarto ng taon.
Sa Mindoro, limang bayan sa timog na bahagi ng Occidental at lima sa Oriental ang hinahalihaw ng 203rd IBde mula pa noong 2019. Sa mga lugar na ito maigting na nilalabanan ng mga magsasaka at katutubo ang mapaminsalang mga proyektong mina, dam at pekeng programang pangkalikasan na sisira sa kapaligiran at magpapalayas sa kanila.
Gamit ng 203rd IBde ang paninindak sa tangkang pahinain ang paglaban ng mamamayan sa lugar. Noong Enero, nagdagdag ang brigada ng dalawang kanyon na 105mm sa Bansud, Oriental Mindoro. Naghatid din ng takot sa mga residente ang pagpapalipad ng helikopter sa mga bayan ng Rizal, San Jose, Bongabong at Mansalay noong bisperas ng pasko. Lumapag ito sa Mantay, Barangay Monte Claro, San Jose kung saan nakakampo ang pwersa ng RCSP.
Anim na bayan naman sa Quezon ang inooperasyon ng may 1,900 tropa ng 201st IBde, kabilang ang mga tropa ng 1st IB, 59th IB, 80th IB, 85th IB, 22nd DRC at mga pulis. Malaking kasalanan ng mga tropang ito ang dagdag na paghagupit sa mga komunidad sa panahong katatapos pa lamang manalasa ng sunud-sunod na bagyo. Pinigilan ng mga ito na makarating ang ayuda mula sa BHB.
Nagtayo naman ng bagong mga kampo ang 80th IB sa Barangay Puray, Rodriguez, Rizal habang nagpapatuloy ang mga operasyong kombat at RCSP sa Antipolo, Rodriguez at Tanay. Sa liblib na mga baryong okupado ng mga RCSP, hinaharang ng mga sundalo ang pagpasok ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga residente.
Sa Palawan, walang-tigil ang FMO at kampanyang pagpapasuko ng 3rd Marine Brigade. Inaatake ng di kukulangin sa 600 elemento ng Marines ang Roxas, Taytay, Brooke’s Point, Rizal, Bataraza at Puerto Princesa City. Nililinlang nila ng mga pabuya ang sinumang nagnanais “magbalik-loob at makipagtulungan” sa AFP laban sa BHB at sarili nilang mga kababayan.
Kabilang sa karumal-dumal na mga krimen ng 2nd ID na labag sa mga batas ng digma ay ang pagpatay kina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, ang masaker sa Baras 5, pagpaslang sa lider magsasakang si Armando Buisan, at sa wala nang kakayahang lumaban na si Mario Caraig.
Sa kabila ng todong atake sa rehiyon, nakabuo ang hukbong bayan dito ng mga bagong larangang gerilya at nabawi ang ilang lumang mga erya. Isinagawa ang kinakailangang mga reorganisasyon sa larangang gerilya upang magkaroon ng mas malapad na maniobrahan habang hinaharap at pinangingibabawan ang malawakang mga operasyong kombat at pambobomba ng AFP.
Ayon kay Armando Cienfuego, tagapagsalita ng BHB sa rehiyon, ito ay dahil “malinaw sa mamamayang Pilipino kung sino ang totoong terorista sa bansa—ang rehimeng US-Duterte at ang AFP-PNP na walang pinipiling okasyon para makapaghasik ng lagim at teror sa bayan.”