Daan-daang libo, nagprotesta sa Myanmar

,

Hindi napigilan ng pandemya at ng diktadurang militar ang pagbuhos sa lansangan ng daanlibong mamamayan sa Myanmar. Halos araw-araw silang nagpuprotesta mula Pebrero 5 para ipanawagan ang pagbaba ng huntang militar na umagaw sa estado poder. Ipinananawagan din nila ang pagpapalaya at pagbabalik sa halal na mga upisyal na pinamumunuan ni Aung San Suu Kyi.

Nagpataw ng mahihigpit na restriksyon ang Tatmadaw (tawag sa militar ng Myanmar) para pigilan ang mga demonstrasyon. Madalas nitong ipinabubuwag ang mga pagkilos. Ilang ulit nitong pinutol ang akses ng mamamayan sa internet sa tangkang pigilan ang mga pagtitipon. Mahigit 500 na ang inaresto at tatlong raliyista na ang namatay matapos barilin ng pulis.

Nagkudeta ang Tatmadaw at ikinulong ang mga sibilyang upisyal ng bansa noong Pebrero 1. Marami ang naniniwalang ang pinakalayunin nito ay durugin ang partido ni Suu Kyi at permanenteng ibalik ang absolutong kapangyarihan ng militar sa bansa.

Daan-daang libo, nagprotesta sa Myanmar