Makataong daan para sa bakuna, tiniyak ng PKP
Tiniyak ng Partido Komunista ng Pilipinas sa publiko na maglalaan ito ng makataong daanan para sa mga bakuna laban sa Covid-19 upang sa ligtas at mabilisang pagbyahe ng mga ito sa mga sona at baseng gerilya. Ito ay ayon sa prinsipyo ng Bagong Hukbong Bayan na igalang ang lahat ng makataong pagsisikap na magbebenepisyo sa mamamayan.
Mahigpit na iminungkahi ng Partido na ang transportasyon, distribusyon at kampanyang pagbabakuna laban sa Covid-19 laluna sa mga liblib na lugar ay isagawa ng International Committee of the Red Cross, na may mga tauhang sinanay at mayroong sapat na pasilidad para isagawa ang gayong mga misyon.
Iminungkahi din ng Partido na huwag gumamit ng mga sasakyang militar sa pagbyahe sa mga bakuna, laluna yaong walang tamang marka at naglululan ng armadong mga sundalo.
Sa ngayon, walang pang dumadating ni isa sa ipinangakong bakuna ni Duterte. Naantala ang mga bakunang manggagaling sa World Health Organization dahil hindi naipasa ang isang kaugnay na rekisitong batas. Dito na lamang nakaasa ang Pilipinas dahil kinopo na ng mayayamang bansa ang mayorya ng suplay ng bakuna sa mundo.
Sa halip na tipunin ang rekurso at tiyaking mababakunahan ang prayoridad na mga sektor, itinutulak ng rehimen na magkani-kanya ang mga lokal na gubyerno, pribadong kumpanya at mga parmasiya. Magreresulta ito sa lalong tagibang na distribusyon.