“Modernisasyon” ng AFP, nakaasa sa US

,

Nakasandig ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gamit, pagsasanay at ayuda ng US. Mayorya sa malalaking aytem, tulad ng mga eroplano, barko at helikopter, ay maaari lamang bilhin sa mga kumpanyang Amerikano at kanilang mga subsidyaryo at kasosyo sa mga kaalyadong bansa tulad ng Israel, Brazil at Jordan. Iginigiit ng mga upisyal ng AFP na mga gawang-US o gawa ng mga kasosyo ng US ang angkop sa kasalukuyang mga gamit at sistema ng AFP. Ito ang pinakamalaking balakid sa anumang balak na bumili ng armas mula sa China o Russia.

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi kailanman naging kapani-paniwala ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA). Mahigpit na nakaugnay ang ayudang militar ng US sa ekstra-teritoryal na mga karapatan at pribilehiyo na tinatamasa ng mga tropa nito sa bansa. Nasa interes ni Duterte na tiyaking dumadaloy ang ayuda sa AFP bilang bahagi ng pagpaparaya sa mga upisyal militar na sabik na sabik sa “modernong” kagamitan. Pinaglalawayan ng mga heneral ang matatabang kontrata para sa pagbili ng mga ito, pati ang mga kontrata para sa pagmamantine na maaari nilang mapagkukunan ng kikbak sa loob ng mahabang panahon.

Labas sa mga buladas ni Duterte, hindi naging usapin ang “di resolbadong” istatus ng VFA sa nakaraang dalawang taon. Natuloy ang malalaking pagsasanay militar na nakaplano sa 2019. Naipagpaliban ang Balikatan 2020 pangunahin dahil sa pandemyang Covid-19. Gayunpaman, tuloy lamang ang mas maliliit na mga pagsasanay. Halos walang patid ang presensya ng mga barkong pandigma ng US sa karagatan ng Pilipinas, na nagsilbing lunsaran ng mga “war game” at operasyon sa “malayang paglalayag” sa South China Sea.

Noong Oktubre 2020, natuloy ang pagpupulong ng matataas na upisyal-militar ng Pilipinas at US na bumubuo sa Security Engagement Board. Sa pulong na ito itinatakda ang mga aktibidad ng militar ng US sa Pilipinas. Isa rito ang itinutulak na muling paglulunsad ng Balikatan sa darating na Mayo.

Kapalit nito, biniyayaan ng US ang AFP ng malalaking aytem ng programang modernisasyon sa taong 2019-2020. Noong Pebrero 17, pinasinayaan ng AFP ang una sa dalawang eroplanong pangtransportasyon na C-130 Hercules sa Villamor Airbase. Sa isang seremonya noong Pebrero 13, kung saan panauhin mismo si Duterte, ipinagmayabang ng AFP ang mga bagong sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force. Kabilang dito ang anim na pangtransportasyong helikopter na S70i Blackhawk at anim na eroplanong pang-atake na A-29B Super Tucano. Kasama sa nakadispley ang anim na Hermes 900 at apat na Hermes 450—mga drone na ginagamit sa paniktik, sarbeylans at rekon.

Tumanggap din ang AFP ng mga misayl at isang sistema ng ScanEagle UAV (na may walong drone) sa huling kwarto ng 2020. Ang mga ito ay ipinasa sa pamamagitan ng US Defense Security Cooperation Agency, ang ahensyang namamahala sa pagbebenta ng mga luma at di na ginagamit na sasakyan at gamit-militar ng US.

Dagdag sa mga ito ang tinanggap ng AFP na “donasyon” mula sa Jordan na daan-daang M14 at dalawang lumang pang-atakeng helikopter na Bell AH-1S Cobra.

Ayon mismo sa embahada ng US sa bansa, ang Pilipinas ang may pinakamalaking nakuhang ayudang militar ng US sa rehiyon ng Indo-Pacific. Anito, umaabot sa ₱33 bilyon ang halaga ng mga naideliber nitong mga eroplano, barko, sasakyang pandigma, maiiksing armas at iba pang gamit-militar mula 2015 hanggang 2020.

Dagdag sa halagang ito ang pondong ginamit ng US sa mga operasyon at suportang militar na idinadaan sa Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P). Noong 2020, halos ₱4 bilyon ang ginastos nito sa pagbibigay ng suportang intelidyens, sarbeylans at rekon mula sa himapapawid sa mga operasyong kombat ng AFP at Philippine National Police sa Mindanao. Ang OPE-P ay nakapailalim sa Overseas Contingency Operations ng US na dating kilala bilang mga operasyong kontra-terorismo.

Sa pagdinig ng Senado noong Pebrero 2020, sinabi ng kalihim sa ugnayang panlabas ng Pilipinas na si Teodoro Locsin Jr. na posibleng hindi matuloy ang $245 milyong planong ayuda ng US sa AFP kung ibasura ang VFA. Ilan pa sa pinapangarap ng AFP ang dagdag na sampung helikopter na Black Hawk, anim hanggang walong ScanEagle UAV at mga howitser.

"Modernisasyon" ng AFP, nakaasa sa US