Walang presyong katumbas ang kalayaan ng bansa

,

Labis na kinasuklaman si Rodrigo Duterte ng sambayanang Pilipino sa kanyang pahayag noong Pebrero 12 na “malaya ang Amerika na ipakat ang kanyang mga tropang militar sa Pilipinas” sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA)—basta’t magbabayad sila sa anyo ng mga sandatang militar.

Aniya, kulang ang bayad ng US lalo’t ginagamit na nito ang dating Subic Naval Base sa Zambales at Palawan na imbakan ng mga sandata. Giit ng Malacañang, dapat makatanggap ang Pilipinas ng katumbas ng nakukuha ng Pakistan, bansa na ginamit ng US sa paglusob, pagsakop at patuloy na pakikialam sa Afghanistan sa isa sa pinakamahaba nitong gerang mapanakop. Sisiklab lamang din ang gera sa pagitan ng US at China sa South China Sea, dapat lamang diumano na bigyan ang Pilipinas dahil tiyak na madadamay ito.

Ginagawang kalakal ni Duterte ang kasarinlan ng Pilipinas. “Pera pera lang iyan,” sabi niya noong 2016. Tinapos niya ang pagpapanggap na “tatapusin ang VFA” at pagtataguyod diumano sa “nagsasariling patakarang panlabas.” Nilantad niya ang kanyang lubos na pagkapapet sa US. Ang gusto lamang pala niya ay mas maraming baril at bomba.

Sa nagdaang mga taon, nag-aastang “galit” si Duterte sa US kahit pa ang totoo’y wala siyang ginawa para ipagtanggol ang pambansang kasarinlan ng Pilipinas. Pinalibutan niya ang sarili ng mga maka-US na upisyal na nagpatuloy sa dati nang mga patakarang maka-US, laluna sa militar at ekonomya. Nangako siya noong 2017 kay Trump na wawakasan ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines, dudurugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan at babaguhin ang konstitusyon para ibigay sa mga dayuhang kapitalista ang ganap na karapatang magmay-ari ng lupa, negosyo at iba pang rekurso sa Pilipinas. Noong taon ding iyon, itinatag ng US ang Operation Pacific Eagle-Philippines.

Hindi kailanman kinwestyon ni Duterte ang di-pantay na mga kasunduang militar, kabilang ang Military Assistance Agreement (MAA), ang Mutual Defense Treaty (MDT), ang VFA, ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Lahat ng tratadong ito ay nagtatali sa patakarang panlabas ng Pilipinas sa US at sanhi kung bakit hindi pwedeng masabing independyente ang bansa.

Huwad ang asta ni Duterte na “galit sa Amerika.” Ginamit lamang niya ito para magpasiklab sa China, ang imperyalistang karibal ng US. Kapalit nito ay pinangakuan si Duterte ng ilampung bilyong dolyar na pautang para sa mga proyektong pang-imprastruktura ng kanyang mga kroni. Lumakas ang kuneksyon ni Duterte at ng kanyang mga kasapakat sa mga sindikato sa droga at kasino sa China. Kahit nananatili pang pangako ang pautang ng China, nagbulag-bulagan si Duterte habang nagtatayo ng mga pasilidad militar sa pitong artipisyal na isla sa saklaw ng teritoryong pangkaragatan ng Pilipinas, inaangkin ang Bajo de Masinloc taliwas sa hatol ng International Arbitration Tribunal noong 2016 at itinataboy sa sariling karagatan ang mga mangingisdang Pilipino.

Ang pakikipagmabutihan ni Duterte sa China ay lubos na pinakinabangan ng ilang malalaking burgesyang kumprador, mga burukratang kapitalista at maging upisyal militar. Batid ng iba sa kanila kung papaanong mabilis na lumalaki ang kapangyarihang pang-ekonomya at pangmilitar ng China. Bagay ito na ikinababahala ng imperyalismong US, kung kaya’t ginagawa nito ang lahat para tiyakin ang suporta at katapatan ng mga tagasunod nito sa Pilipinas.

Layunin ng bagong gubyernong Biden ng US na ibayong palakasin ang kontrol nito sa neokolonyal na estado, pangunahin sa pamamagitan ng pagpapahigpit ng kontrol sa AFP. Kaakibat ito ng planong maging mas agresibo sa pagtatanggol sa pang-ekonomya at heopulitikal na interes ng US sa harap ng paglakas ng karibal na China. Bagaman nag-aastang “progresibo” sa mga usaping panloob, partikular laban sa ultra-Kanang mga patakaran ng nagdaang gubyernong Trump, kilala si Biden na pabor sa agresibong posturang militar.

Matapos makipag-usap kamakailan sa bagong itinalagang kalihim sa depensa ng US, nagpahayag si Defense Sec. Delfin Lorenzana na pabor siya at ang militar sa pagpapatuloy ng VFA. Klarong mensahe ito ng US na hindi na ito papayag sa mga pakikipagniig sa China. Pinakikilos ngayon ng US ang mga galamay nito sa Pilipinas, kapwa sa loob at sa labas ng naghaharing rehimen, para ibayong palakasin at tiyakin ang kanyang pangmilitar, pang-ekonomya at pampulitikang kontrol sa naghaharing uri sa Pilipinas.

Dahil dito, asahang iigting ang paglaban ng mga pulitikong maka-US sa impluwensya at pakikialam sa ekonomya at pulitika ng China. Maaaring pagbigyan ang “dagdag bayad” na hinihingi ni Duterte, pero kung gagawin man ay para lamang din sa estratehikong interes ng US. Sa kabilang panig, tiyak na kikilos din ang China para kontrahin ang impluwensya ng US sa pamamagitan ng paggamit ng lakas kapwa sa ekonomya at militar.

Dapat tumindig ang mamamayang Pilipino at tuligsain ang pag-aasal-alipin ni Duterte sa US at China, sa kapinsalaan ng soberanya ng bansa at pabor sa pangmilitar at pang-ekonomyang interes ng mga imperyalistang dayuhan. Dapat igiit ng sambayanan na walang presyong katumbas ang pambansang kalayaan. Dapat itulak ng sambayanan ang pagkakaisa ng mga bansa sa Southeast Asia para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kalayaan sa mga internasyunal na karagatan laban sa ekspansyunismo ng China.

Dapat nilang igiit ang ganap na pagbabasura sa VFA, EDCA, MDT, MLSA at iba pang makaisang panig na kasunduang militar na nagbigay sa pwersang militar ng US ng karapatang ekstra-teritoryal sa Pilipinas at yurakan ang pambansang soberanya nito. Sa kabilang panig, dapat batikusin ang rehimeng Duterte sa pangangayupapa nito sa China at itulak na pagbayarin ang China sa pagsakop sa teritoryo ng Pilipinas at pagdambong sa likas yaman ng bansa.

Hinihikayat ng Partido ang mamamayang Amerikano na kastiguhin ang gubyernong Biden sa pagkiling nito sa tiranikong rehimeng Duterte kapalit ng pagtitiyak sa heopulitikal na interes ng US. Dapat magtulungan ang mamamayang Amerikano at Pilipino laban sa panghihimasok ng US at pagsuporta sa madugong gera ng panunupil sa Pilipinas.

Walang presyong katumbas ang kalayaan ng bansa