Kalatas February 2021 | Ilantad at biguin ang mapanlinlang na BDP sa TK

,

Ipinatutupad ngayon ng rehimeng US-Duterte ang pinakabago nitong pakanang pansaywar laban sa mamamayan. Ito ang proyektong Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). At tulad ng mga nauna nitong programang “kontra-insurhensya”, nakatakda rin itong biguin ng mamamayan.

Ang pakanang BDP ay tanda ng kabiguan ni Duterte at ng NTF-ELCAC sa target nitong wakasan ang CPP-NPA-NDFP. Nais ni Duterte linlangin ang mamamayan at ilayo sa rebolusyonaryong kilusan. Nangangarap nang gising ang NTF-ELCAC at si Duterte na may 822 barangay na wala nang presensya ng rebolusyonaryong kilusan na tatanggap ng tig-P20 milyon sa ilalim ng BDP. Na sa totoo, pantabing lang ito sa pambubusog niya sa matataas na heneral ng AFP-PNP at kanyang mga kroni. Sa Timog Katagalugan (TK), 55 barangay ang saklaw ng BDP.

Pantapal at pekeng solusyon
Pakitang-tao ang mga “proyektong pangkaunlaran” ng NTF-ELCAC sa ilalim ng BDP tulad ng farm-to-market road, pagtatayo ng mga eskwelahan, pagsasaayos ng sistema ng patubig at kalinisan, reporestasyon, pagtatayo ng mga istasyong pangkalusugan, pabahay, pagkakabit ng mga linya ng kuryente at iba pa. Ang mga pantapal na proyektong ito ang diumanong sagot sa “komunistang insurhensya” sa bansa.

Subalit hindi nilulutas ng mga proyektong ito ang tunay na problema ng malawak na masa at ugat ng armadong tunggalian — ang problema sa lupa. Kailan man ay hindi binabago ng pekeng BDP ang abang katayuan ng masang maralita sa kanayunan na api’t pinagsasamantalahan, hikahos at walang boses sa pulitika. Hindi binubuwag ng BDP ang pyudal na monopolyo sa pag-aari ng lupa na nasa kamay ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Nililinlang ng rehimeng Duterte at NTF-ELCAC ang mga magsasaka at katutubong mamamayan na papawiin ng P20 milyon ang dantaong inhustisya sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.

Ang mga isinusubong proyekto ng NTF-ELCAC sa mga barangay ay ilusyon ng pagbabago para pahupain ang pag-aaklas ng masang magsasaka at katutubo. Sa TK, ang mga sinaklaw ng BDP ay yaong mga lugar na may malakas na pagtutol ang mamamayan laban sa mga proyektong mina sa Mindoro at Palawan, proyektong dam sa hangganan ng Hilagang Quezon at Rizal, malawakang pangangamkam ng mga panginoong maylupa at burgesya kumprador sa lupain ng mga magsasaka sa Quezon at Batangas.

Katawa-tawang pantay-pantay ang distribusyon ng pondo ng BDP sa mga barangay samantalang magkakaiba ang pangangailangan at populasyon kada barangay. Sa rehiyon, ang barangay na nakalista sa BDP na may pinakamaliit na populasyon ay ang Brgy. Lavidez sa General Luna, Quezon (544) habang ang pinakamalaki ay ang Brgy. Panaytayan sa Mansalay, Oriental Mindoro (10,592)*.

Pork barrel ng mga militar at kroni ni Duterte
Taliwas sa sinasabi ng NTF-ELCAC na padadaliin nito ang serbisyo sa mga barangay, may kaukulang prosesong pagdaraanan bago makubra at magamit ang P20 milyon sa mga “proyekto”. Hindi direktang hawak ng barangay ang pondo dahil nakaimbudo ito sa mga local government unit (LGU) sa antas probinsya at siyudad. Dadaan ang mga barangay sa pasikut-sikot na proseso para makuha ang pondo.

Kinakailangang magsumite ng project proposal ang kanya-kanyang barangay. Matapos dumaan sa mga LGU, kailangang makuha ang pahintulot mula sa RTF-ELCAC at sentral na opisina ng Department of Budget and Management bago ilabas ang pera. Pinatutunayan nitong direktang hawak ng NTF-ELCAC ang pondo ng BDP at may kaukulang kapasyahan sa paggamit nito bilang military pork barrel. Tiyak na makakakuha ng kikbak si Lt. General Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng NTF-ELCAC at hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM) sa may P1.92 bilyong military pork barrel ng BDP sa kanyang saklaw. (CALABARZON, Isla ng Mindoro at Bicol)

Sa kasalukuyan, ang Davao City, ang balwarte ni Duterte, ang may pinakamalaking bahagi sa P16.4 bilyong pondo ng BDP na aabot sa P1.64 bilyon para sa 82 barangay. Pagpapasasaan lamang ito ng mga lokal na opisyal at mga kapural ni Duterte at ng matataas na heneral ng AFP-PNP. Hindi malayong gagawing pondo ito sa darating na eleksyon 2022.

Sa TK, aabot ng P1.1 bilyon ang inilaan ng rehimen kung saan P600 milyon ang sa CALABARZON at P500 milyon naman sa MIMAROPA. Ang mga ito ay gagawing pansuhol sa mga lokal na opisyal ng barangay para maipasok ang mga proyektong mina, dam at plantasyon ng mga dayuhang korporasyon. Palulubhain lamang nito ang pangangamkam sa sakahan ng masang magsasaka at lupang ninuno ng mga pambansang minorya.

Papatinding atrosidad ng AFP-PNP
Kakambal ng pagkagahaman ng matataas na opisyal ng AFP-PNP ang paglulunsad ng malawakang operasyong militar upang gawing gatasan ang mga pondo rito. Asahan ng mamamayan sa TK ang pagtindi pa ng mga kampanyang pagpapasuko, red-tagging, operasyong paniktik, interogasyon, intimidasyon, panggigipit at iba pang mga anyo ng pandarahas ng mga yunit ng retooled community support program (RCSP) ng AFP-PNP. Gagamitin ng AFP-PNP ang mga nakasisilaw na programa ng BDP bilang panabing sa mga atrosidad nito sa kanayunan. May mga nagpapatuloy na RCSP sa mga barangay na isinailalim sa BDP sa rehiyon.

Nagpapatuloy rin ang focused military operations sa mga barangay na isinailalim sa BDP. Nitong Pebrero 5-8, binomba sa utos ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ang 26 barangay sa Quezon, ilan sa mga ito ay nakapailalim sa BDP.

Malinaw na hindi solusyon ang BDP sa problema ng sambayanang Pilipino. Ito ay bahagi ng maruming gera ni Duterte na naglalayong supilin ang mga lehitimong pakikibaka at pakalmahin ang nagngangalit na damdamin ng mamamayan. Hindi paloloko ang sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa sa TK sa pinakabagong pakanang saywar ni Duterte sa bayan. Ubos kaya nilang lalabanan at gagapiin ang BDP. Higit na palalakasin ng mamamayan sa kanayunan ang kanilang pakikibaka sa lupa at pagtatanggol sa lupaing ninuno. Kailangang paigtingin ang mga kampanya para palayasin ang mga militar sa kanayunan.

Ang tunay na kaunlaran ng bayan ay makakamit lamang sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon. Sa programa ng Partido sa demokratikong rebolusyong bayan, isinusulong ng rebolusyonaryong pwersa ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang kalutasan sa nagdarahop na ekonomya ng bansa.#

*batay sa datos ng sensus noong 2015

Kalatas February 2021 | Ilantad at biguin ang mapanlinlang na BDP sa TK