Kalatas February 2021 | Lider-magsasaka, hinuli sa Occidental Mindoro

,

Iligal na inaresto ng magkakasamang sundalo’t pulis si Genalyn “Ate Neneng” Avelino, isang lider-magsasaka sa kanyang bahay sa Rizal, Occidental Mindoro noong Pebrero 23 ng hapon.

Hinuli si Ate Neneng sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ng Regional Trial Court Branch 43 sa Roxas, Oriental Mindoro. Hinaharap niya ang gawa-gawang kasong rebelyon.

Kilalang lider-magsasaka ang biktima sa isla ng Mindoro at maging sa rehiyon. Bahagi siya ng makasaysaysang laban para sa 45-ektaryang Lupang Saulog sa Rizal na 20 taong pinagpunyagian ng mga magsasaka. Opisyal siya ng Samahan ng mga Magsasaka sa Kanlurang Mindoro at dating naglingkod bilang ingat-yaman ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan.

Samantala, isang lider-magsasaka mula sa Bulacan ang natagpuang patay at nakasilid sa isang plastic drum sa Mabitac, Laguna nitong Pebrero 5. Nakilala ang biktima na si Rommy Torres, kasapi ng Sandigan ng Magsasaka sa San Mateo na mahigpit na lumalaban sa pangangamkam ng lupa ng Royal Moluccan Realty Holdings na pag-aari ng mga Villar sa Norzagaray, Bulacan.#

Kalatas February 2021 | Lider-magsasaka, hinuli sa Occidental Mindoro