Kalatas February 2021 | Mga komunidad sa Bacoor, dinahas ng mga goons ng ahente ng lupa
Muling dumanas ng pandarahas ang mga residente ng Sitio Bagong Silangan, Brgy. Niog 1 at Brgy. Talaba 7, Bacoor City, Cavite noong Enero 28 at 29 mula sa mga goons ni Ana Marie G. Pagtakhan o mas kilala sa pangalang Amy Gawaran. Si Pagtakhan ay ahente ng lupa na malaon nang nagpapalayas sa mga residente para bigyang daan ang mga proyektong reklamasyon sa lugar.
Noong Enero 28, hinarangan ng mga armadong gwardya at goons ang daanan ng mga residente papasok sa mga nabanggit na komunidad at pilit sinasara ang gate. Pwersahan nilang pinipigilang makapasok, tinatakot at pinagbabantaan ang buhay ng mga residente. Kinabukasan ng Enero 29, nagtangka na naman ang mga goons na pasukin ang mga komunidad. Subalit, naglunsad ng barikada ang mga residente upang biguin ang goons ni Pagtakhan.
Ang pagpapalayas sa mga maralita ay bahagi ng pagraratsada ng gubyernong Duterte sa mga proyektong reklamasyon sa Cavite sa gitna ng pandemyang COVID-19. Ginagamit ng mga ahente ng lupa ang kanilang goons laban sa mga residente. Upang hindi sampahan ng kaso, inaalis ng mga gwardya ang nameplate sa kanilang mga uniporme habang ang iba ay nagdadamit sibilyan sa tuwing dinadahas ang mga residente. Kabilang rin sa pakanang pagpapalayas ang mga naganap na sunog sa mga maralitang komunidad sa Bacoor City noong 2020.
Malaon nang nakikibaka ang mga maralita ng Brgy. Niog at Talaba 7 para sa kanilang karapatan sa lupang panirikan. Kapit-bisig nilang hinarap ang ilang serye ng pandarahas at panggigipit ng goons. Noong Setyembre 21, 2020, sinira nila ang gate na iligal na ipinatayo ni Pagtakhan. Tinutukan at pinaputukan sila ng baril ng mga gwardya at goons. Bunsod nito, nagsampa sila ng kasong grave threat, alarming scandal at attempted homicide laban sa gwardyang si Jelani Busara Sultan noong Setyembre 24, 2020. Nito namang Enero 27, nagdesisyon ang korte na maghain ng warrant of arrest kay Sultan.
Samantala, patuloy na nananawagan ang mga residente ng nabanggit na mga barangay kina Mayor Lani Mercado Revilla ng Bacoor City, Gov. Jonvic Remulla ng Cavite at Commission on Human Rights na imbestigahan ang mga pandarahas at ipahinto ang mga pang-aatake sa kanila.#