Kalatas February 2021 | Pambobomba sa Quezon, nagpalayas ng 26,000 mamamayan
Higit 26,000 tao mula sa 22 barangay ng mga bayan ng Catanauan, Mulanay, San Narciso at Buenavista ang sapilitang lumikas dahil sa pambobomba, istraping at mabagsik na operasyong militar ng 85th at 59th IBPA sa Timog Quezon Bondoc Peninsula.
Nagsimula ang pambobomba at istraping sa mga nasabing barangay noong Pebrero 5 matapos ang engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command – BHB Quezon at 85th IBPA sa Barangay Masaya, Buenavista. Tumagal nang tatlong araw ang mga atake mula sa himpapawid na ginamitan ng mga bagong biling s70i Black Hawk helicopter ng Southern Luzon Command ng AFP.
Hindi rin inagwatan ng mga panagupang tropa ng 85th at 59th IBPA ang Catanauan, Lopez, General Luna at Macalelon. Tuluy-tuloy ang focused military operations ng tinatayang laking batalyong pwersa ng AFP sa mga bayang ito.
Napilitang umalis ang mamamayan ng Quezon upang makaiwas sa bomba at panghaharas ng mga sundalo. Nangangamba ang mga residente na sila’y hulihin, saktan, o pinakamasahol ay patayin ng mga militar kung dadatnan sa kanilang mga bahay sa kabundukan. Iniwan nila ang kanilang mga sakahan at tahanan sa gitna ng kawalang kasiguruhan sa pagkain at kabuhayan.
Panibago itong dagok sa mga taga-Quezon na dumanas ng matinding kahirapan at krisis noong 2020. Bumagsak ang kanilang kabuhayan bunsod ng militaristang lockdown, palpak na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya at pagbagsak ng presyo ng kopra na pangunahin nilang produkto. Dumagan pa rito ang mga kalamidad tulad ng tagtuyot at sunud-sunod na bagyo na nagpababa sa kanilang ani.#