Kalatas February 2021 | Rehimeng Duterte, bahag ang buntot sa paghahari-harian ng China sa WPS

,

Kahit sa gitna ng pandemyang COVID-19, nagpapatuloy ang pananalasa at pag-angkin ng China sa West Philippine Sea (WPS). Subalit nananatiling bahag ang buntot ng gubyernong Duterte sa walang-tigil na pagyurak ng China sa pambansang soberanya at patrimonya ng Pilipinas.

Bagong batas ng China

Paulit-ulit na binabalewala ng China ang desisyon sa Arbitral Tribunal sa ilalim ng UN Covention on the Law of the Seas. Noong Enero 22, ipinasa ng China ang bago nitong batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Chinese Coast Guard (CCG) na barilin ang mga sasakyang pandagat na maglalayag sa saklaw ng inaangkin nitong teritoryo kabilang ang WPS at wasakin ang anumang mga istrukturang itatayo ng mga kaagaw nitong bansa. Isa itong malaking banta sa seguridad at mapayapang pakikipamuhayan ng mga bansa sa timog-silangang Asya. Sinasagasaan rin nito ang karapatan ng mga bansa sa kani-kanilang exclusive economic zone.

Samantala, pinawalang-saysay ng Malakanyang ang isinampang diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs dahil sa panawagan ni Harry Roque na manahimik na lamang ang mamamayan at magpailalim sa patakaran ng China. Hindi katanggap-tanggap ang reaksyon ng rehimen dahil binabalewala nito ang panganib na dulot ng bagong batas ng China sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda.

Nagpapatuloy na dominasyon at panggigipit sa WPS
Noong Enero 25, hinaras ng CCG ang mga mangingisdang Palaweño sa bahagi ng Kalayaan Group of Islands. Simula nang aroganteng angkinin ng China ang WPS, walang pakundangang itinataboy, pinagbabantaan, hinaharas, binobomba ng tubig at sinasagasaan ang mga bangka at basnig ng mga Pilipino katulad ng ginawa sa mga mangingisdang Mindoreño ng FV-Gemver noong 2019.

Sa harap ng sunud-sunod na mga paglabag, nananatiling tikom ang bibig ni Duterte at ang kanyang mga tutang militar. Puro boladas ang pagyayabang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipagtataggol ng AFP ang mga mangingsidang Pilipino laban sa mga atake ng China. Pinasisinungalingan ito ng mga mangingisdang Palaweño na nag-ulat na wala silang nakitang nagpapatrulyang Philippine Coast Guard noong harasin sila ng CCG.

Nakapagpatatag ang China sa loob mismo ng teritoryo ng Pilipinas dahil sa kataksilan ni Duterte. Sa mahabang panahon, buong karuwagang hinayaan ng gubyernong Duterte ang pagtatayo ng mga istrukturang militar at paglalabas-masok ng mga sasakyang pandigma ng China sa WPS. Namataan sa pinakabagong satellite image ngayong buwan ang mga bagong tayong istruktura ng China sa Mischief Reef (Panganiban Reef) na kabilang sa mga bahura ng Spratly Islands, 200 milya mula sa isla ng Palawan.

Umiigting na girian ng US at China
Habang patuloy na inaangkin ng China ang WPS, nagpapatuloy rin ang pang-uupat ng US. Makailang seryeng naglayag ang US ng mga barkong pandigma sa WPS sa tabing ng kalayaan sa paglalayag. Sa ilalim ng bagong administrasyong Biden, tatlong beses nang naglayag ang mga barkong pandigma ng US dito.

Naglulunsad din ng mga ehersisyong militar ang dalawang imperyalistang bansa sa karagatan. Mula Enero 27-30, nagsagawa ng pang-malakihang ehersisyong militar ang China mula sa Golpo ng Tonkin hanggang sa kanlurang bahagi ng Leizhou Peninsula sa timog kanlurang China. Nagsagawa rin ang US ng naval drills sa WPS ngayong buwan kasama ang mga kaalyado nitong bansang Australia, Japan, Canada, Britain at Germany. Sa takot ng rehimeng Duterte, hindi na nito pinalahok ang AFP-PNP sa ehersisyong militar ng US.

Pinauunlad ng China ang mga pasilidad militar at kalagayan ng mga hukbo nito sa WPS. Bukod sa mga bagong naitayong istrukturang militar ng China sa Spratly ngayong buwan, nakatanggap rin ang mga tropang Tsino ng mga bagong uniporme at kagamitan na angkop sa klima ng WPS. Ipinakat ng China ang daan-daang sasakyan at libu-libong milisya nito sa WPS, na salarin sa panliligalig at panghaharas doon. Aabot ng 300 sasakyan at 4,000 pwersa ang kabuuang bilang ng Maritime Militia Forces ng China.

Patuloy ang pagpapaligsahan ng US at China sa paglikha ng mga barkong pandigma at pagpapaunlad ng kalidad ng mga hukbong pandagat. Sa kasalukuyan, ang US Navy ang tinuturing na pinakamalakas na hukbong pandagat sa buong mundo pero nilagpasan na ng China ang US sa dami ng mga tauhan at barkong pandigma. Batay sa datos noong 2020, aabot sa 360 ang lahat ng mga barkong pandigma ng China habang 297 naman sa US. Sa taong 2030, tinatayang matatapatan o malalampasan na ng China ang lakas ng US Navy.

Singilin ang taksil na si Duterte
Hindi maikakaila ang pagsisilbi ni Duterte sa dalawang among imperyalista. Muling pinagtibay ni Duterte ang mga kasunduang militar nito sa US habang pinangangalagaan ang relasyon nito sa China. Isinuko na rin ni Duterte sa kanila ang likas na yaman ng Pilipinas. Kapalit nito ang mga pabor, proyekto at pondo para sa dagdag na kagamitang militar at kurapsyon.

Kinasusuklaman ng mamamayan ang traydor at pangunahing bentador ng soberanya ng bansa na si Duterte. Kumikilos sila para sa kagyat na pagpapabagsak ng tutang rehimen. Katuwang ang BHB, isinusulong nila ang demoratikong rebolusyong bayan upang makalaya sa pananakop ng imperyalismo. Sa pagtatagumpay nito, itatayo ang tunay na gubyernong bayan na nagsasarili, makabayan at nagtatanggol sa patrimonya at soberanya ng Pilipinas.#

Kalatas February 2021 | Rehimeng Duterte, bahag ang buntot sa paghahari-harian ng China sa WPS