Kalatas February 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Ano ang papel ng midya sa panahon ng tiranya at terorismo?
Trabaho ang dahilan kaya napadpad si Ronnie Villamor, 50, sa Barangay Matanglad, Milagros, Masbate. Si Villamor ay mamamahayag para sa lokal na tabloid na Dos Kantos Balita, at naroon siya para subaybayan ang sigalot sa lupa na kinasasangkutan ng isang Randy Favis. Naunsyami ang nakatakdang sarbey sa lupa dahil hindi pumayag si Favis. Mula sa Matanglad, tumulak siya tungong Barangay Bonbon para puntahan ang kanyang kapatid, pero hindi na siya nakarating doon. Hinarang siya sa tsekpoynt ng mga sundalo. Binaril. Kinabukasan, siya ang laman ng balita—isang mamamahayag na brutal na pinatay ng militar.
Ang kwento ng pagpaslang kay Villamor ay kongkretong halimbawa ng umiiral na kultura ng impyunidad, tiranya at terorismo sa bansa. Sa kasong ito, naglubid pa ng kasinungalingan ang mga militar at pulis na diumano’y isang NPA si Villamor na namatay sa engkwentro. Inapula rin ang pagkalat ng balita at pilit ibinaon upang hindi mabunyag sa mamamayan.
Sadyang ipinagkakait ng rehimeng Duterte sa mamamayan ang kabatiran sa ganitong mga pangyayari at sa tunay na kalagayan ng lipunan sa pangkalahatan. Ipinatutupad ito sa pamamagitan ng pagtatago ng mga datos, pambabaluktot sa katotohanan at pagpapakalat ng mga pekeng balita. Bahagi ito ng kanyang estratehiya sa pagpapatatag ng kanyang tiraniko at teroristang paghahari. Paniniwala ng tirano, hindi kikilos at lalaban ang taumbayan kung mangmang sila sa mga atrosidad at kabulukang nagaganap. Sa panahon ng rehimeng Duterte, naging normal at kalakaran na sa hanay ng mga kapulisan ang mga pagpatay at paghahasik ng karahasan laban sa mga inosenteng mamamayang Pilipino.
Kaya habang kabi-kabila ang mga krimen ng estado, sabay na tumitindi ang panunupil ng rehimeng Duterte sa mga nagbabalita ng mga kaganapang ito. Humihigpit ang kamay na bakal na pambusal sa mga may lakas ng loob na magsalita. Hindi lamang mga aktibista’t rebolusyonaryo ang target nito—dinamay rin ng nauulol na rehimen ang mga mamamahayag, kumpanya sa midya at mga institusyong nasa parehong linya ng trabaho.
Lumala sa panunungkulan ni Duterte ang dati nang mapanganib na klima para sa mga mamamahayag. Noong Nobyembre 2020, pumalo sa 18 ang bilang ng pinatay na taong-midya sa ilalim ni Duterte at 190 naman mula 1986. Nasa 172 ang nadokumentong kaso ng pang-aatake sa midya mula noong Hunyo 2016 na kinabibilangan ng mga pagbabanta sa buhay, red-tagging at intimidasyon. Mga taong gubyerno ang salarin sa mayorya ng mga kasong ito.
Tampok na halimbawa ng mga pag-atake ng rehimeng Duterte sa mga mamamahayag at mga kumpanya ng mass media ay ang mga pag-atake sa Rappler at pagsasampa ng mga kaso laban sa pinuno nito na isang batikan at respetadong mamamahayag na si Maria Ressa. Binanatan at binantaan din ni Duterte ang Philippine Daily Inquirer (PDI) na kakasuhan at ipasasara. Samantala, nagtagumpay namang maipasara ni Duterte ang ABS-CBN Network dahil hindi ito pinagkalooban ng panibagong prangkisa na makapag-opereyt ng rubber stamp na Kongreso na dominado ng mga kaalyaldo ni Duterte.
Bastos at walang pakundangan ang rehimeng Duterte at AFP-PNP sa hanay ng midya. Hinahadlangan ng gubyerno ang pagkuha ng impormasyon ng mga taong-midya. Inaatake ang mga naglalathala ng mga balitang naglalabas ng baho ng rehimen. Nitong buwan lamang, pinagtulungan ni Parlade at AFP Chief Cirilito Sobejana si Tetch Torres-Tupas ng PDI na nagsulat hinggil sa pagtortyur ng AFP sa dalawang minoryang Aeta sa Zambales. Ni-red tag si Tupas, tinawag na “propagandista ng CPP-NPA” at pinepresyur na patunayang wala siyang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Paninindak at pamimilit ang pamamaraan ng rehimen upang pagsilbihin ang midya sa kanilang imbing pakana. Mula nang ilabas ang EO 70, pinakalat ang Manifesto of Commitment kung saan pinasusumpa ang mga taong-midya na makikipagtulungan sa gubyerno sa pagsugpo sa terorismo. Sa madaling salita, kasunduan ng pagpapagamit sa hibang na anti-komunistang kampanya kapalit ng pag-iwas sa pagiging target ng mga atake ng estado.
Higit na kailangang maging matapang ang mga mamamahayag at magpursiging tuparin ang kanilang tungkulin na isiwalat ang katotohanan at tunay na kalagayan ng lipunan sa ganitong sitwasyon. Kailangang lumaban upang ipagtanggol ang kanilang karapatan at itaguyod ang integridad ng kanilang piniling bokasyon. Kailangang patalasin tulad ng mga punyal ang kanilang mga isinusulat upang tagusin ang mga kaisipang naguguluhan bunsod ng teror at disimpormasyon ng estado. Kailangang maging mapanlikha upang maihatid sa mas maraming mamamayan ang pangangailangang tumindig at labanan ang pasismo ng rehimen.
Ginampanan ng midya ang mahalagang papel na ito sa panahon ng diktadurang US-Marcos. Hindi tulad ng de facto martial law ni Duterte, lantarang nagdeklara si Marcos ng batas militar na kanyang ginamit sa pagsikil sa mga batayang kalayaan ng bayan, kabilang ang kalayaan sa pamamahayag. Nagpatupad ang diktadura ng media black-out at kinontrol ang mga lumalabas na balita. Pinasara ang mga nag-uulat ng ‘masasamang’ balita tungkol sa gubyerno, habang pulos papuri kay Marcos ang inilalathala sa mga pahayagang pag-aari ng mga kroni ng diktador.
Sa kabila nito, ipinamalas ng mga mamamahayag ang kanilang kapangahasan at nagpatuloy sa tungkuling mag-ulat sa bayan. Umusbong ang tinatawag na mosquito press na kinabilangan ng mga publikasyong pang-estudyante at mga miyembro ng alternatibong midya. Sinikap nilang maglathala hinggil sa mga tunay na kaganapan sa Batas Militar. Inalam nila ang kalagayan at hinaing ng taumbayan. Palihim na nag-imprenta at namahagi ng mga babasahin. Pinunit nila ang mga kasinungalingan ng diktadura at pinukaw ang masa gamit ang mga tunay na kwento ng karahasan at kabulukan ng lipunan.
Ngayon, wala mang tahasang pagbabawal sa paglalabas ng mga balitang naghuhubad sa tunay na mukha ng gubyerno, sing-bagsik o higit pa sa Batas Militar ni Marcos ang panggigipit sa midya. Malagim na babala ng teroristang estado ang pangyayari kay Villamor, pero hindi nito kayang sagkaan ang mga taong-midya sa kanilang adhikaing mag-ulat nang tapat sa bayan. Naniniwala ang NDFP-ST na mas maraming taong-midya ang handang makipaggitgitan sa bulok, pasista at kriminal na rehimen upang magtanggol sa mga demokratikong karapatan at batayang kalayaan, hindi lamang ng kanilang hanay kundi ng lahat ng mamamayan. Kailangan lang ang ibayong pagkakaisa ng buong hanay ng taong midya para lalong maipagtanggol ang kanilang propesyon, igiit at ipaglaban ang kalayaan sa pananalita at pamamahayag at sa paghahatid ng katotohanan at impormasyon sa taumbayan.#